KABANATA 130

725 83 3
                                    

[Editor's Note:  Synchronized with Jasper, the Demon Slayer Kabanata 67]

Senda's P.O.V.

Mabilis lumipas ang panahon kapag marami kang ginagawa.  Kung minsan nga'y parang nakakalimutan ko na ring tumatakbo ang oras sa mga pagkakataong hindi man lamang ako makapagpahinga. Tuloy-tuloy ang bawat sandali, akala ko'y kanina lamang 'yaong isang taon. Pakiramdam ko nga minsa'y natulog lamang ako ng isang beses ay bigla na lamang lumalaktaw ang panahon.

"Saan ka nanggaling?"

Siya ang hindi nagpapakita nang matagal, siya pa itong may ganang magtanong kung saan ako nanggaling.

"Ikaw pala, ate Marietta." Pagpapatay-malisya ko, "hindi naman ako umaalis dito."  Ang tinutukoy ko ay ang bahay ko sa lupa; isa itong maliit na 2-bedroom apartment sa siyudad kung saan kami nag-uusap ngayon.

"Ilang beses ako nagparito, pero wala ka."

"Dumalaw lang ako sa puntod ni Kuya, at kung minsan ay nasa labas ako para mamili.  Kailan ka ba nagpunta?" Tinitigan niya ako na tila sinusukat niya kung nagsasabi ba ako ng katotohanan o hindi. Nagsisinunangaling ako, 'yun ang totoo, pero sa kinatagalan na rin ng aking pagpapanggap na kakampi niya ay nakasanayan ko na rin ang magpalusot dito nang hindi kinakabahan. "May kailangan ka ba sa 'kin?"

"Alam mo ba kung nasaan si Alfonso?"

Hindi na ako nasorpresa na si kuya Popoy ang itatanong niya sa akin. Matagal-tagal na rin kasi itong hindi nagpapakita sa kanya dahil masyado itong naging abala sa lihim na pangingialam at panggugulo sa buhay ni Jasper at Jordanna sa hindi ko pa maunawaang dahilan.  Ang totoo'y matagal na ring hindi na nagpapakita sa akin si kuya Popoy, bagaman alam ko kung nasaan ito dahil sa patuloy na pagmamatiyag dito ni Gilleo at ng ilang mga Lambanang kasama nito.

"Matagal ko na rin siyang hindi nakikita, ate. May kailangan ka ba sa kanya?"

Biglang bumakas sa mukha nito ang pagka-aburido, "gusto ko lang malaman kung may alam siya sa mga Engkantong nanggugulo sa apo ko. Ikaw, may alam ka ba?"

Siyempre, meron, dahil si kuya Popoy mismo ang nanggugulong ito, pero bakit ko naman sasabihin sa kanya?  Kung wala siyang kakayahang alamin ito, wala rin siyang kakayahang alamin ang alam ko. Gusto ko ring alamin kung ano ang layunin ni kuya Popoy sa panggugulo nito sa mag-asawa, ngunit nais kong malaman ito nang hindi kasama si ate Marietta.  Kung ano ang hindi niya alam ay aalamin ko, at kung ano ang alam niya, 'yun ma'y kukuhanin ko rin sa kanya nang hindi niya namamalayan. 

Umiling ako, "gusto mo bang alamin ko?"

Sinamaan ako nito ng tingin, "huwag na. Wala akong tiwala sa 'yo." Sabay ngisi.  Batid kong ang ibig niyang sabihin ay wala siyang tiwala sa kakayanan ko.  Para kasi sa kanyang mga mata, ako pa rin si Sendang lampa na walang kayang gawin nang higit pa sa mga gawaing bahay. "ang anak mo nga'y hindi mo masubaybayan, mga Engkanto pa kaya?"

Nagkibit-balikat lang ako dahil sanay na ako sa pang-iinsulto nito.

"Ngayong alam na ni Lucio na buhay ka," umupo ito sa sopa. Medyo nayamot ako dahil mukhang magtatagal pa ito sa bahay ko, "nag-usap na ba kayo?"

Umiling ako, "bakit ko naman kakausapin ang walaghiyang iyon?" pagpapatuloy ng aking pagpapanggap, "hindi ko siya mapapatawad sa pagkuha niya sa aking anak."

Nakangising tumango-tango ito, "mabuti nama—"

Biglang may kumatok. Tumingin ako sa wall clock, madaling araw na kaya agad akong napaisip kung sino ang kakatok sa akin ng ganitong oras.

"Baka si Lucio na 'yan?" hindi matanggal ang ngisi sa mukha ni ate Marietta. Sa muling pagkatok ng nasa labas ay agad nang tumayo si ate Marietta upang magtungo sa isa sa dalawang silid.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon