KABANATA 17

5.1K 323 20
                                    

Lucio's P.O.V.

Takbo.  Tumatakbo ang isang tao kapag magmamadali; kapag humahabol at may hinahabol, bagaman mayro'ng humahagibis nang walang malinaw na dahilan, tumatakbo rin ang tao kapag may gustong takasan...tulad ng malakas na ulan at humahangos na mga kaaway o di kaya nama'y isang kasunduang pilit na tinatakasan.

"Ayoko na! Bawiin mo na! Ayoko na nito!" Naglilimahid ako sa putikan habang nasa gitna ng malakas na ulan na unti-unti nang nagiging ambon. "Tuso ka, niloko mo ako!"

Walang tumugon, sa halip ay kumulog at lumidlat lamang na wari ba'y nagagalit ang kung sino man ang nagpadala noon.

"Satanaaaaas! Sadya pala talagang napakawalanghiya mo!" Dumakot ako ng putik at ibinato ito sa kawalan. "Duwag ka, magpakita sa 'kin demonyo ka!"

Animo'y sirang plaka, inuulit-ulit ko lamang ang aking mga sinasabi hanggang sa humantong ako sa pagbunot ng punyal sa aking lukbutan, bago ko ito ginamit na panlaslas sa aking mga pupulsuhan at leeg;  ngunit nabalewala rin ang ginawa ko, dahil ilang segundo lamang ay naglalaho rin agad ang aking mga sugat.

"Anong hindi malinaw sa napagkasunduan niyo ni Lucifer?" isang malumanay at malamig na wika ng isang nilalang na bigla na lamang nagsalita sa aking bandang likuran. Nilingon ko ito at agad ko naman itong nakilala.

"Sandalphon." Pagbigkas ko sa pangalan ng nagsalita.  Isa itong matangkad na nilalang na may kulay abong pares ng pakpak. Nakasuot ito ng itim na balabal at kulay bronseng koronang nakapalibot sa ulo nito. May bitbit din itong karit at may kasamang dalawa pang anghel na katulad niya.

"Hindi ba't ikaw ang isa sa mga tagapaghatid ng mga namamatay na kaluluwa?" Humangos ako sa paanan nito at nanikluhod. "Tulungan niyo ako...gusto ko nang mamatay. Isama niyo na ako. Nais ko nang magpahinga, kasama si Aretha at ang aming mga anak."

"Paano mo naman nasisiguro sa sarili mo na kung mamatay ka ngayon ay makakasama mo nga sila?" hindi ko alam ang sagot kaya hindi na lamang ako nagsalita. "Hindi kami nagkulang ng paalala sa 'yo, bago mo nilagdaan ang kasunduan niyo. Sinabi na namin sa 'yo, wala na kaming magagawa para sa 'yo kapag lumagda ka sa kabilang kampo. Pero hindi ka marunong makinig. Sadyang napakatigas ng ulo mo!"

"Ngunit alam niyong niloko lamang niya ako." Sabi ko.

"Hindi ba't sinabi rin namin sa 'yo, bago ang lahat, na nilansi ka lamang niya?" Sagot niya.

"Ngunit alam niyong nadesperado lamang akong mabigyan ng katarungan ang sinapit ng mag-iina ko."

"Ngunit sinabi rin namin sa 'yo na ipaubaya mo na lamang sa tunay na PANGINOON ang lahat, at huwag na huwag kang magkakamaling isangla ang iyong kaluluwa sa kahit sino man bukod sa nagbigay sa 'yo nito?"

Muli akong tumangis at sumubsob sa putikang kinalalagyan ko. Batid kong wala rin naman akong masasabi pa na hindi nito isusupalpal pabalik sa aking mukha.

"Sinasabi mo ba na wala na talaga akong pag-asang mamatay?" halos hindi ko na ito mabigkas. "Wala na ba talagang ibang paraan?"

"Makakausap mo pa ba ang sinuman sa amin, kung wala na?"

Tila lumukso ang puso ko sa loob ng aking dibdib. Mula sa pagkakalugmok ay muli kong tiningala ang tatlong anghel na nasa aking harapan.

"Siyanga?" hindi ko maitago ang aking pagkagalak. "M-may magagawa pa ba ako? Sabihin niyo, kahit ano, gagawin ko!"

"Kailangang maipanganak ang nag-iisang nilalang na may kakayahang kitlin ang buhay mo."  Wika ng anghel na nasa kanan ni Sandalphon.

"Pero sino? Paano?"

"Isang tulad mo, mula sa inyong angkan." Wika naman ng nasa kaliwa. "Panganay na anak na lalaki ng isang Tudlaan."

"Kung nais mong mamatay," ani Sandalphon, "siya lamang ang maaaring pumatay sa 'yo, at kung nais mo namang matakasan ang apoy ng impiyerno sa kabila ng pinagmulan mong lahing itinakwil ng langit, kailangan mo ring kilalanin at sambahin ang PANGINOON ng taong ito."

Napakunot-noo ako, "PANGINOON? Bakit, sino ba ang PANGINOON ng taong iyon?"

"'Yaong ipinako sa Krus." Wika ng nasa kanan ni Sandalphon.

Agad na nag-iba ang timpla ng pakiramdam ko, dahil kahit daang taon na ang nakalipas, tandang-tanda ko pa rin ang mga mukha at pagkakakilanlan ng mga taong kumitil sa buhay ni Aretha at ng aming mga anak.

Mga taong relihiyosong bitbit pa ang kanilang mga krus at rosaryo. Sumisigaw at nagbibigay papuri sa kanilang PANGINOON habang sinusunog nila nang buhay ang aking maybahay sa harapan pa mismo ng kanilang kapilya.

Hindi ko maitago kay Sandalphon ang nagbabaga kong damdamin, "hinding hindi ako yuyukod sa PANGINOON ng mga taong mas di hamak namang mas halang pa ang kaluluwa kaysa sa akin."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Hindi kasalanan ng PANGINOON ang kasalanan ng lahat ng mga nananampalataya sa KANYA." Agad na sagot sa akin ni Sandalphon. "Ang lahat ay kaya NIYANG iligtas, kahit na yaong mga ninuno niyong anghel na nakakulong sa kulungan ng mga ispiritu (1), ngunit ito'y kung tatanggapin niyo lamang ang KANYANG alok na kaligtasan."

"Gusto ko lang mamatay," matigas na wika ko, "pero mas mamatamisin kong mapunta na lang sa impiyerno kaysa ang sambahin ang DIYOS ng mga taong naging sanhi ng lahat ng pagdurusa ko!"

"Hindi mo na naman alam ang sinasabi mo, Lucio." Umiiling-iling ang nasa kaliwa ni Sandalphon, "kung napapagod ka nang mabuhay sa ibabaw ng lupa ng ilang daang taon lamang, paano mo naman kaya kakayanin ang mabuhay sa impiyerno, magpakailanman?"

***

"Panginoon," nakayukong bungad sa akin ng pinuno ng mga Maligno, kasama nito ang buong pangkat nito. "Patawarin niyo po kami pero nakatakas na po si Marietta. Wala na ito nang dumating kami sa kubo ng inyong panauhin."

"Pero may mga kasamahan po tayong mga Tik-tik," pagsingit ng isa sa mga pinuno ng mga Aswang, "na tinutunton na isa-isa ang lahat ng maaaring pinuntahan nito. Naghihintay na lamang po kami ng panibagong ulat."

Sandali kong sinuyod ng tingin ang lahat ng mga nilalang na nakaluhod at nakayuko sa akin mula sa kinauupuan kong trono. Tila ba hindi humihinga ang mga ito sa paghihintay sa anumang sasabihin ko. Kalahati sa mga ito ang tila nanginginig pa dulot ng matinding takot sa akin, habang ang kalahati nama'y halos hindi lamang makatingin. 'Yun kasi ang nag-iisang utos ko sa kanilang lahat;  ang dakpin si Marietta upang maiharap nila ito nang buhay sa aking harapan.

"Palalampasin ko muna ito ngayon." Malumanay na wika ko. Dinig na dinig ko naman ang halos sabay-sabay nilang paghinga nang maluwag. "Mas mahalagang naihiwalay natin si Senda sa kanya. Pero ipagpatuloy niyo pa rin ang paghahanap sa kanya. Gano'n pa rin ang utos ko. Kailangan ko siya nang buhay at sa sinumang lalabag sa utos, alam niyo na ang mangyayari sa inyo."

"Opo, Panginoon."  Sabay-sabay nilang sambit.

****

Footnote

(1) Kulungan ng mga ispirtu: 1 Pedro 3:19-20

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon