KABANATA 10

6.1K 375 18
                                    

Senda's P.O.V.

Naubusan na naman ako ng panggatong, kaya kahit medyo masama ang pakiramdam ko dahil sa tatlong sunod-sunod na gabi na hindi ako makatulog, pinilit kong tumungo sa mas malayong bahagi ng gubat upang mamulot ng mga tuyong kahoy, at mga uyong nalalaglag sa mga puno ng niyog.

Patungo pa lamang ako sa kabilang ibayo ng ilog nang may maramdaman akong tila may sumusunod at nagmamatyag sa akin sa paligid. Ako lang naman ang tao ro'n pero nararamdaman ko ang paggalaw ng mga halaman, tunog ng mga natuyong dahong tila naapakan, maging ang lagitik ng mga nababali na tila may mga dumaraan sa mga nagsalimbayang mga sanga, baging at mga ugat. Ilang beses akong napahinto upang hagurin ng tingin ang kapaligiran, ngunit humihinto rin naman ang mga nauulinigan kong mga kaluskos sa tuwing nakikiramdam ako. Kinakabahan ako pero nagpatuloy pa rin naman ako sa pamumulot at paglalakad. Umuusal na lamang ako ng mahinang panalangin upang makahugot ng lakas ng loob.

"LORD," bulong ko, "KAYO na ang bahala sa akin. Kailangan ko lang po talaga ng panggatong para sa amin ni ate Marietta." Tumingala ako sa langit. Medyo mababa na ang araw kaya batid kong nasa bandang alas-kuwatro na ng hapon. "Naku LORD," sinilip ko ang loob ng sakong dala ko, "mukhang kauulan lang pala sa banda rito. Kakaunti pa ang nakukuha kong tuyong kahoy, paano po ba 'to? Mukhang mapipilitan na naman po akong bumili sa bayan. Ang mahal-mahal pa naman ng kahoy ngayon LORD, nawa'y mahulugan NIYO ako ng biyay--"

Hindi ko alam kung ano-ano ang pumatak sa akin nang umpisa. Basta ang alam ko, may tila dalawang malalaking bulto ng kung ano ang dumaplis sa gilid ng ulo ko. Iniinda ko pa ang sakit at hinihihilot-hilot ko pa ang bandang natamaan nang mapansin ko ang isang sakong puno ng uyo at isang bigkis ng tuyong kahoy sa mismong harapan ko.

"Teka?" tumingala ako. "Saan naman kaya nanggaling ang mga 'to?" luminga-linga ako, pero wala naman akong nakikita kahit man lang hayup. Sinuyod ko ng tingin ang sanga ng mga puno. Malapit nang maikot ng paningin ko ang buong paligid nang magulantang ako sa isang malaki, mabuhok ang maitim na nilalang na nakaupo sa pinakamalapad na sanga ng punong balete. Nakatingin ito sa akin bagaman agad din itong nagtago matapos magtama ang aming mga mata.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Ano 'yun, DIYOS ko!" Nag-antada ako at agad na nakaramdam ng pagkataranta. "Hindi mukhang tao pero hindi rin naman mukhang unggoy..." nasa  kalagitnaan ako ng pagmumuni-muni upang mapakalma ko ang aking sarili sa panginginig, nang bigla namang may humuning mga uwak. "Naku... kailangan ko na sigurong umuwi." 

Paalis na ko nang maalala ko ang mga nalaglag na sako ng uyo at bigkis ng kahoy. Nilingon ko ang mga ito na naging simula ng pakikipagtalo ko sa sarili ko.  Kukunin ko ba ang mga 'yun, o hindi? Hindi naman akin ang mga 'yun, pero kanino nga kaya 'yun? Sayang naman kung wala rin naman palang ibang aangkin. Babalikan at kukunin ko na sana ang mga ito, ngunit muli na naman akong binagabag ng kunsensya ko. Paano kung hanapin ito ng may-ari? Pero paano kung wala namang may-ari? Pero imposible rin namang walang may-ari kung nakasako na ang mga ito at nakabigkis. Siguradong mayro'n ng nagmamay-ari ng mga ito. Ang tanong ko lang ay kung sino?

Nasa kalagitnaan ako ng pakikipagtalo sa sarili ko nang biglang lumamig sa ng simoy ng hangin. Muli akong tumungala. Bukod sa mababa na ang araw patungong kanluran, tila unti-unti na rin palang naiipon ang kulay abong ulap. Mukhang uulan na naman sa bahaging iyon ng gubat, kaya nakukunsensya man akong kunin ang mga uyo at kahoy, kinuha ko na rin ang mga ito.

***

"Saan ka ba nanggaling, Senda?" tanong ni ate Marietta, habang nag-mamadali ako sa pagsasaing at pagluluto ng aming hapunan. "Bakit ang gulo-gulo ng buhok mo?"

"Nangahoy lang ako, ate. Ang kaso, kailangan kong makipag-unahan sa ulan dahil walang silbi ang pangangahoy ko ng tuyong panggatong kung aabutan ako ng ulan."

"Ganun ba? Pero ano naman ito?" animo'y diring-diri nitong itinuturo ang dalawang dalag na tinitilad ko, pati na rin ang mga repolyo't mga patatas na ginayat ko."

"Hapunan natin, ate. Pesang Dalag."

Napalunok ito, "isda na naman. Wala bang iba? Iba-iba lang ang luto mo pero 'di ba Dalag na rin ang ulam natin kahapon at kamakalawa?"

Napabuntong-hininga ako, "naku ate, pasensya na. Alam kong mahilig ka sa karne pero nahuli ko lang kasi ang mga ito riyan sa ilog. Ano kasi eh..." napakamot ako, "hindi ko pa kasi naibebenta lahat ang mga kape at tsokolate ko kaya hindi pa ako nakakaipon para makapunta sa bayan. Pasensya na, ate. Ito lang ang nakayanan ko."

Ito naman ang napabuntong-hininga at nakasimangot na umupo sa bangko. Saglit pa'y hinugot nito ang isang gintong singsing mula sa kanyang kanang daliri. 

"Heto," iniaabot nito sa akin ang singsing, "wedding ring namin ng kuya mo. Isangla mo muna sa bayan para makapamili ka ng masarap-sarap na pagkain. Ewan ko ba naman sa 'yo Senda, bakit sa ganitong lugar mo pa gustong manirahan. Ang init-init sa tanghali, ang lamig-lamig naman sa gabi. Napakalayo pa sa kabihasnan."

Nakaramdam man ako ng pagkainis ay hindi ko na lang ito ipinahalata. Ganito naman talaga itong hipag ko kahit noon pa. Palibhasa'y mas sanay sa marangyang pamumuhay, "bakit mo naman isasangla 'yan ate? Bigay 'yan sa 'yo ni kuya, 'di ba? Paano kung hindi ko na matubos 'yan?"

"Isang kapirasong ginto lang 'yan, napapalitan." Ipinatong nito ang singsing sa ibabaw ng lamesa. "'Wag kang mag-alala, kapag natulungan mo akong makauwi sa Paraeiah, bibigyan kita ng isang baul na ginto at mga alahas."

Tumalikod ako para maumpisahan ko na ang pagluluto ng Pesang Dalag sa palayok, "kung alam ko lang talaga kung paano kita matutulungan, tutulungan kita kahit walang kapalit." Muli akong humarap sa kanyang gawi para kunin ang iba pang mga sahog sa lamesa. Kinukuha ko ang mga ginayat kong patatas nang mapansin kong nakabuka ang kanyang mga pakpak na halos sumukdol na sa pahalang na espasyo ng aking maliit na kubo. "Naipapanglipad ba 'yang mga pakpak mo?"

"Hindi ko alam." Walang gana niyang sagot. "Hindi ko nga rin alam kung paano ko pasusundin man lang. Para kasing may sariling buhay."

"Nasubukan mo na ba?"

Umiling ito.

"Kung hindi, eh paano ka nakarating mula sa Maynila hanggang dito?"

Tila nabigla ito sa naging katanungan ko. Hindi ito makasagot agad, bagaman bakas ko sa ekspresyon kanyang mukha na alam naman niya ang kasagutan sa aking katanungan.

[ITUTULOY]


My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon