KABANATA 75

710 53 8
                                    

Senda’s P.O.V.

“Ano ba ang mas tamang itanong ko sa ‘yo, ha Senda? Bakit gising ka pa, o bakit gising ka na?” iika-ikang pumasok si Luis sa salas, at halos kaladkarin na nito ang sarili paupo sa sopang kawayan. “Alas singko lang ng umaga ah!”

Magkahalong gulat at pag-alala ang nararamdaman ko dahil sa hitsura nito.  Mukhang malinis naman ang suot-suot nito–malamang nakapagpalit na, pero puro galos naman ang mga braso, pati na ang mukha nito.

“Hindi ako makatulog.  Ano bang nangyari sa ‘yo? Saan ka ba nanggaling?” tinulungan ko itong magtanggal ng sapatos, “bakit ganyan ang hitsura mo?”

“Wala ‘to. ‘Wag kang mag-alala,” ngunit hindi naman mukhang ‘wala’ lang ang nakapinta sa kanyang mukha dahil halatalang-halata naman na tila napakasakit ng katawan nito.

“Teka sandali, magpapakulo lang ako ng tubig para mahagpasan ko ‘yang mga sugat mo.”

“W-wag na Senda,” hinawakan ako nito sa braso. “Nakaligo na ako ng mainit na tubig sa bahay ko sa Edenus. Ipapahinga ko lang ito. Sandali–” pilit nitong dinudukwang ang nakabilot na banig na nakahilig sa dingding. “Hihiga lang ako saglit, mamaya lang, ayos na ako.”

“Teka, teka,” pinigilan ko ito sa pag-abot ng banig, “doon ka na magpahinga sa bagong kama para kumportable ka.  Hindi na rin naman kasi ako makakatulog dahil umaga na.

“Wag na, ok na ako rito.”  Muli nitong pilit inaabot ang banig kaya inilayo ko na ito at isinandal sa mas malayong lukasyon.

“‘Wag nang makulit, Luis. Halika na sa loob, aalalayan kita.”

“Sige na nga.  Pero ‘wag mo na akong alalayan. Masakit lang ang katawan ko pero hindi naman ako nalumpo”  Kusa na itong tumayo at tinulungan ang sarili patungo sa aking silid.

 “Magpalit ka kaya muna ng shorts bago ka mahiga para kumportable ka.”

“Wala na yata akong malinis na salawal dito, nakalimutan kong labhan.” Umupo na ito sa bandang paanan ng kama.

“May isa ka pa rito, ‘yung may butas. Heto–” Natatawang wika ko habang iniaabot ko sa kanya ang kanyang asul n’yang shorts, “hindi ko mapatsehan dahil wala akong plain na asul na retaso. Kung gagamitin ko naman ‘yung bulaklakan, baka magalit ka pa sa ‘kin kaya hinayaan ko nang butas, hindi naman masyadong halata. ‘Yung tatlong marumi, nasa sampayan pa, nilabhan ko kahapon.

“Ano? Bakit mo nilabhan? Ako dapat maglalaba ng mga–”

“Tsk. Huli na ang lahat para magreklamo, Luis. Lalabas muna ako para makapagpalit ka–” hindi ko pa natatapos ang sinasabi ko nang maghubo na ito ng suot niyang pantalong maong, na mabilis rin naman niyang napalitan ng shorts. “Oo–ok,” pinulot ko ang pantalon at tiniklop ito nang maayos. “L-lalabas muna ako para makatulog ka.”

“Napakaaga pa, Senda. Anong gagawin mo sa labas ng ganitong oras? Dito ka na lang sa tabi ko, “ tinapik-tapik niya ang kaliwang bahagi ng kama, “ipapahinga ko lang ito pero hindi naman ako matutulog. Magkuwentuhan na lang muna tayo rito.”

“Tsss. Bakit? May balak ka bang ikuwento sa akin kung anong nangyari sa ‘yo?” habang tinutungo ko na ang kaliwang bahagi ng kama. “Napagtripan ka ba ng mga malignong bagong gising?” biro ko.

Nagbuntong-hininga ito, “may kailangan kang malaman dahil wala akong balak ilihim sa ‘yo ang ganitong kahalagang bagay.”  Seryoso ang ekspresyon ng mukha nito. “Lalo’t may kinalaman ito sa ‘yo, sa iyong ama, at mga kapatid mo sa kanya.”

“Bakit, a-ano bang nangyayari?”

“Nagdeklara ng digmaan ang iyong ama laban kay Lucio kamakailan lang. Ang Mashuria ang unang sumugod kaya wala kaming mapagpipilian kundi harangan ang mga lagusan at patumbahin ang kahit sinong magtatangkang lumusot. Ngunit dahil numero unong duwag ang ama mo, ang mga kapatid mong lalaki ang ipinadala niya gayung hindi naman pala lubusang handa ang mga ito sa larangan ng pakikidigma. Kaya, pasensya ka na, Senda.  Hindi ko alam kung nakilala mo man lang ang mga ito, o nagpakita man lamang ba sila ng interes na kilalanin ka, pero ikinalulungkot kong apat silang nasawi kasama ng napakarami pang kawal ng iyong ama.”

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon