KABANATA 77

828 82 6
                                    

Lucio's P.O.V.

Walang habas ang paghaplit sa akin ng latigo ng punong berdugo ng Mashuria habang nakagapos ang aking mga kamay at kinakaladkad ng mismong kabayong sinasakyan ni Lambino. Sa dami ng mga sugat, latay at malalalim na saksak na aking tinamo mula ulo hanggang paa, sumpa ngang maituturing ang kawalan ko ng kakayahang mamatay. Impiyerno sa lupa, ito ang tunay na impiyerno sa lupa, sapagkat wala nang mas sasahol pa sa anumang uri ng paghihirap na walang katapusan.  Ito ang magiging parusa ng DIYOS sa lahat ng kanyang mga itatakwil balang araw, ngunit heto ako't nauunahan pa si Satanas na pagdusahan ang lahat.

Ang sabi ng nakararami, dapat lamang daw na matakot sa akin ang lahat ng aking mga kaaway sapagkat hindi ako namamatay.  Ang hindi nila alam ay mas nakatatakot ito kapag ikaw ay isang bihag at nasa ilalim ng kapangyarihan ng iyong mga kaaway. Paulit-ulit ka nilang pahihirapan kung kaya paulit-ulit mo ring mararanasan ang paghihirap at sakit. Maaari ngang ang mga sugat sa aking katawan ay naghihilom rin nang walang man lamang bakas ng pilat, ngunit hindi yaong mga alaala ng pighati na hindi na kailanman maghihilom pa sa aking puso at isipan.

Katanghaliang tapat sa buong lupain ng Mashuria. Buong pagmamalaki akong ipinarada ni Lambino mula sa lagusan sa baryo ng San Gabriel patungo sa kanyang palasyo; habang ang mga mamayan sa kanyang nasasakupan ay nakaabang at pinanonood ang aming paglagpas sa magkabilang gilid ng kalye.  Hinihikayat nito ang lahat na magbunyi na tila ba mas mahalaga pa ang pagsasaya nang dahil lamang sa pagkakadakip nila sa akin kumpara sa pagluluksa sa apat na Prinsepeng kapapanaw lamang sa aking mga kamay.

"Hindi mo dadanasin 'yan kung kusang ibinigay mo na lang kay Haring Lambino ang kanyang anak na taga-lupa." Bulong sa akin ng punong kawal na sumabay sa aking pasiray-siray na paglalakad.

Mas mamatamisin ko na ito kaysa ang ibigay si Senda sa kanyang amang wala namang pagpapahalaga sa kanya, sabi ko sa aking isipan, at dahil batid kong nais lamang nito itong bihagin upang gamitin laban sa akin, o gawing alipin tulad ng iba pang mga nilalang roon na kalahating tao ay hinding-hindi ako makapapayag na mapasakamay nila ang pinakamahalagang nilalang sa aking buhay.

"Ngunit mas mainam na rin na ikaw ang aming nadakip," pagpapatuloy nito sa mas pinahina nitong tinig, "para makita mo ang paghihirap na dinaranas ng mga taga-lupa rito. Kailangan nila ang tulong mo kundi'y isa-isa silang mamamatay rito."

Napasulyap ako sa punong kawal sa tinuran nito, at bagaman masyado na akong gastado sa labis na pagpapahirap na aking pinagdaanan ay hindi ako makapaniwala sa kanyang tinuran. Mukha ngang tama ang aking nabalitaang dumarami na ang matataas na opisyales ng kaharian ang nagbabalak nang mag-aklas laban sa walang kakwenta-kwenta nilang Hari.

"Kaunting tiis lang," muling bulong nito matapos kong makatanggap ng panibagong haplit mula sa latigo ng punong berdugo, "batid kong hindi ka naman mamatay. Hahanap ako ng tamang tiyempo para makatakas ka rito." Saka ito naglakad na tila walang nangyari upang tumungo sa bandang unahan ng parada.

"Si Haring Lucio ba 'yan? Bakit ganyan, parang hindi ko na makilala." Dinig kong bulungan ng mga mamayan sa magkabilang kalye. "Naliligo na sa sariling dugo."

"Ano kayang nangyari sa kanya? Nasira na ang mukha niya oh."

"Nakakakita pa ba s'ya, halos pikit na ang magkabilang mata n'ya ah."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Sa bandang kanan, sa kabila ng malabo kong paningin ay may napansin akong isang dalagita na pasimpleng sumasabay sa akin sa paglalakad. Nauuna lamang ito ng mga dalawang hakbang at halatang sinasdiya nitong kunin ang aking pansin.  Bakas sa mukha nito ang pagkahabag sa akin, na nakapagtatakang nakikita ko rin sa mukha ng karamihan sa mga nilalang na aking nadaraanan.

"Panginoong Lucio..."  impit na pagtawag ng iba na hindi ko na matukoy kung kani-kanino nanggagaling. "Tulungan mo kami." Na tila ba sila ang mga bihag at nakagapos at hindi ako.

***

"Kung ipalalapa kita sa mga lobo, mabubuhay ka pa rin kaya?"panunuya ni Lambino na tila walang balak na lubayan ako kahit nasa likod na ako ng makakapal na rehas. "Kung ipagigiling ko ang kalamnan mo, o pagpipirapirasuhin na parang basahang retaso, mabubuo ka kaya ulit?"

Kahit na ano ang sinasabi nito ay hindi ko ito sinasagot, at hindi ko rin ito pinagbibigyang marinig man lang ang aking tinig at pagdaing.

"Ayaw mo talagang magsalita?"

Hindi pa ba halata? Wala na yatang hihirap pang kausapin sa mahihina ang utak. Ang maliwanag, madilim pa rin, ang madali'y mahirap pa rin; magulo pa rin ang maayos; baliko pa rin ang tuwid.

"Higelberto!"  Pagtawag nito sa kanyang punong kawal; ang engkantong bumulong sa akin kanina.

"Ano po 'yun kamahalan?" yumuko ito kay Lambino, bagaman sumulyap ito sa akin nang makahulugan.

"Ikaw na ang bahala sa demonyong ito." itinuro ako nito, "Pahirapan niyo. Paglaruan niyo, kahit na ipalapa niyo pa sa mababangis na halimaw wala akong pakialam! Basta't huwag niyong pakakawalan! Huwag niyong pakakainin, ni paiinumin! Huwag niyong titigilan hangga't hindi nagmamakaawa! At yaong ibang mga taga-lupang bihag na wala namang silbi sa ating kaharian, iligpit niyo na! Pampasikip lamang sa selda at dagdag pang pakakainin ang mga 'yan! At 'yaong mga alipin wala nang pakinabang, isama niyo na rin sa hukay, maliwanag?"

Muling sumulyap sa akin si Higelberto bago ito yumuko sa kanyang amo, "masusunod po, kamahalan."

Ako raw ang demonyo, pero siya naman ang may ugaling mas masahol pa rito. Ano kayang alam ng matandang Haring Edwino sa kawalanghiyaan ng kanyang anak?  Hindi ko rin ito kasundo dahil sa hindi nito patas na pagtingin sa mga hindi puro at kalha-kalhating nilalang na tulad ko, o ni Senda, ngunit hindi naman ito humantong sa tindi ng kasamaang lumulukob sa kanyang nag-iisang anak.

"Parang awa niyo na po," samo't sari ang naririnig kong pagsusumamo ng mga preso kabilang mga selda. "Huwag niyo po akong papatayin. Ako lamang po ang inaasahan ng aking pamilya."  Ngunit mukhang hindi sapat iyon upang hindi ito kaladkarin ng mga kawal palabas ng selda upang ihulog ito nang buhay sa balon na tambakan ng mga bangkay. 

"Hoy demonyo!" Maangas na pagtawag sa akin ng isa sa mga kawal. Mayroon itong mga kasamang pinagtatawanan ako, "akala ko ba malakas at makapangyarihan ka! Balitang-balita rito na astig ka, eh babae lamang naman pala ang katapat mo?! Gaano ba kasarap ang p*ke niyan at handa kang magkalasog-lasog, ha?" Muling naghalakhakan ang mga p*tang inang bastos! Manang-mana sa kahalayan ng kanilang Hari. Isinusumpa ko, makawala lang ako rito'y unang-una kong pagbubuhulin ang kanilang mga dila sa kanilang mga b*yag.

"Hoy Banoy!" Pagtawag rito ng isang pamilyar na tinig, "anong ginagawa n'yo riyan, ha?" sabay batok dito ni Higelberto. "Sinong nagbigay sa inyo ng pahintulot na tumambay rito?"

"W-wala naman po, Pinuno." Animo'y isa itong nayuping makahiya, "napadaan lang po. S-sige po." Nakayukong umatras ito, "tayo na!" Pagyaya nito sa mga walang modong kasama.

Tiningnan ko si Higelberto at agad na napansin na bagaman nakatalikod ito at lumilinga-linga sa paligid ay magkadaop ang mga kamay nito sa kanyang likuran; at doon, sa kanyang mga palad ay may pinausli itong susi na tila nais nitong kuhanin ko mula sa kanya.

"Isang oras mula ngayon," nakatalikod pa rin ito sa labas ng rehas, "sisiguraduhin kong ang pinakamahinang kawal ang magbabantay sa labas." Tumahimik ito saglit upang makiramdaman kung may dumarating, "mag-iingat ka, at huwag mo sanang kakalimutang balikan ang mga umaasa sa 'yo rito."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon