KABANATA 114

753 73 17
                                    

"Alis..alis diyan! Ayaw naming makipaglaro sa 'yo!" Itinulak si Rosenda ng isang limang-taong gulang na batang babae na mas matanda lamang ng isang taon sa kanya. May kasama itong iba pang mga batang lalaki at babaeng naglalaro rin ng tubigan (1) sa kasagsagan ng kabilugan ng buwan. Napaupo si Rosenda sa linyang basa ng tubig kaya agad na naputikan ang suot na bestida nito. "Ayaw namin sa 'yo! Sabi ng nanay ko, anak ka raw ng Engkanto! Umalis ka rito, alis!" Nagkanya-kanya ng pagsipa sa kanya ang mga bata.

Hindi tumigil sa pagsipa ang mga ito hanggang sa biglang pagsulpot ng isang binatilyo,"hoy, anong ginagawa n'yo ha?!" Pasugod na humarang ito sa gitna.

"Ngiii, saan ka nanggaling?!" Sabi ng isa sa mga batang nakasaksi na hindi ito nanggaling kung saan, kundi bigla nalamang talaga itong sumulpot. "M-maligno!" nauna na itong tumakbo. Sumunod naman agad ang iba mapuwera sa batang babaeng nanunulak kay Rosenda. Nakatulala ito at naninigas na parang istatwa.

"Boooh!" Panggugulat dito ng binatilyo. Natauhan naman agad ang bata kung kaya kumaripas na rin ito ng takbo.

Napapahikbi si Rosenda habang tinutulungan nitong itayo ang sarili. Tinulungan din naman ito ng binatilyo na pagpagin ang pinaghalong putik at alikabok sa bestida at sa iba't ibang parte ng katawan at mukha.

"Gusto mo bang patubuan ko ng mga bukol ang mga batang 'yon, Rosalia?" nakangiting wika ng binatilyo kay Rosenda.

Umiling ang batang babae kahit na walang hinto ang pagtulo ng luha nito, "kapag nagkasakit sila, ang pamilya ko na naman ang gagantihan nila, kuya Popoy. Magagalit sa akin ang mga magulang ko pati na ang kuya ko. Mapapaalis na naman kami sa lugar na ito nang dahil sa akin."

Tinapik-tapik na Popoy ang ulo ng batang babae, "napakabait mo talaga, Rosalia. Magandang makasanayan mo 'yan upang mabitbit mo 'yan bilang nakatakdang Reyna ng kaharian ng Mashuria."

Napangibit si Rosenda, "Rosalia na naman ang tawag mo sa akin. Bakit ba Rosalia ang tawag mo sa akin? Rosenda po ang pangalan ko kuya Popoy."

Napabuntong-hininga ang binatilyo, "masayado ka pang bata para maunawaan mo kung bakit. Balang araw at malaki ka na, sasabihin ko sa 'yo kung bakit Rosalia ang tawag ko sa 'yo.

****

Senda's P.O.V.

"Ang ganda-ganda ng umaga pero nakasimangot ka." Nakabungisngis na pagbati sa akin ni Matias habang nagawawalis ako sa bakuran. Sumusulyap-sulyap ito kay Nana Auring na abala naman sa pagdidilig ng kanyang mga halaman.

Napatawa ako, "hindi naman. Medyo sumasakit lang ang likuran ko dahil mabigat na itong dala-dala ko." Hinaplos ko ang aking tiyan. "Pakiramdam ko nga'y manganganak na ako anumang oras.

Tinyempuhan nito ang sandaling pag-alis ni Nana Auring upang muling lagyan ng tubig ang bitbit nitong lagadera, mula sa tubig sa drum sa likod-bahay.

"Nabasa mo na ba?" pabulong ito.

Tumango ako, "pero paano ako makakapunta ro'n? Ang layo no'n mula rito. Baka matagtag pa ako at mapaanak sa biyahe."

Napakunot-noo ito, "bakit? Saan ba 'yun?"

"Sa San Juan. Sa isa sa dati naming tinirahan noong bata pa ako."

"Sa Bulalacao? Di ba karatig lang 'yon ng San Roque diyan sa kabilang isla?"

Napatawa ako, "Sira. Hindi San Juan Oriental Mindoro."

"Sa Maynila?"

"Hindi rin."

"Eh saan nga?"

"Sa talon ng Lugnason sa San Juan... sa Siquijor."

Napalunok si Matias, "ang layo nga." Sabay tawa. "Pero kaya pala..."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon