KABANATA 79

824 98 33
                                    

Lucio's P.O.V

"Boss, gising ka na?!"  Magkasabay na bulalas nina David at Baltazar.  Nakatutok ang mga mukha nito sa mukha ko kung kaya ang mga pagmumukha nila ang agad na bumulaga sa akin sa unang pagmulat pa lamang ng aking mga mata. Magkasabay kong sinampiga ang dalawa, sa pamamagitan ng magkabila kong mga palad. 

"Gising na nga," natatawang wika ni Baltazar, "nananampiga na ulit eh."

Bumangon ako nang paupo, "bakit ba ingay niyo?" sapo-sapo ko ang ulo ko.

"Nagtatalo po kasi kami kung paano ka namin gigisingin." Sagot ni Baltazar.

 "Eh ano bang kailangan niyo? Teka," sinuyod ko ng tingin ang paligid, "bakit ako narito?" agad kong napuna na dinala nila ako sa tore; sa pinakatuktok na bahagi ng palasyo.

Nagkatinginan ang dalawa at halos magkasabay na nagkamot, "e-eh hindi niyo po ba naaalala?" tanong ni David."

"Ang alin ba?!" Singhal ko dahil sa hindi ko mawaring pananakit ng aking ulo.

"Ehhh..." si Baltazar.

"Ano nga?!"  Bulyaw ko kaya napapitlag sa gulat ang dalawa.

"Eh hindi po ba ngayon ang araw ng kasal niyo?" wika ni David.

Natigilan muna ako bago ko naramdaman ang pagkataranta. "Bakit, anong petsa na ba?"

"Ika-sampu po ng Hunyo." Sagot ni Baltazar. "Halos dalawang araw po kayong tulog eh."

"Ano?!" Sigaw ko kaya muling napapitlag ang dalawa. "Sandali, anong oras na ba? May oras pa ba akong magbihis?"

"May tatlong oras pa po tayo para maghanda." Ani David, "pero mas mainam po na mas mauna tayong makarating sa harding pagdadausan ng serem—"may biglang tumulak sa pintuan

"David! David!" iniluwa nito ang humangos na si Melchor, na agad din namang natigilan nang magawi na ang paningin nito sa aking gawi.

Binato ko ito ng sapatos dahil isa sa pinakaayaw ko ay 'yung may bigla na lang papasok nang hindi kumakatok sa mga probadong lugar kung saan ako naroroon.  Hindi ito nakailag kaya tinamaan ito sa sikmura. "Aguy..." pagdaing nito.

"Di ka ba marunong kumatok?!"  Bulyaw ko rito. Hindi ko rin maunawaan kung bakit napakainit masyado ng ulo ko. "Anong kailangan mo kay David na hindi makapaghihintay?!"

"Eh Panginoon, kasi po."  Kakamot-kamot ito. "M-may masamang balita?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Bigla akong kinabahan. Ano kayang masamang balita?  Umatras ba si Senda? Agad na mas sumama pa ang aking pakiramdam nang bumakas rin ang pag-aalala sa mukha ni David.

"Gaano kasama ba 'yan?" sumusulyap-sulyap si David sa akin.

"Masamang-masama!" Sagot ni Melchor kaya lalong tumindi ang kabang nararamdaman ko.

Masamang-masama? Mas may sasama pa sa pag-atras ng aking mapapangasawa?

"Gaano nga kasama?" nang mapansin ni David na hindi na ako makapagsalita.

"Hindi na maaaring matuloy ang kasal..." anito na tila isang masamang musika na hindi ko nais marinig kailanman, "sa hardin." Naramdaman ko na tila saglit na huminto ang aking paghinga, "dahil umuulan," sabay turo nito sa bintana, "kaya ipinasok na lang namin ang mga dekorasyon sa bulwagan."

Sandali kaming natigilan lahat bago ako nakabuwelong damputin ang isa ko pang sapatos at muling ibinato iyon kay Melchor sa labis na pagkayamot; nakailag na ito sa pagkakataong iyon.

"Panginoon naman,"panunuyo nito sa akin, "'wag ka nang magalit. Maganda rin naman ang pagkakaayos ng pinaglipatan namin."

Ang totoo'y wala naman akong pakialam kung maganda man o pangit ang pinaglipatan, o kahit saan pa man gaganapin. Ang pinakamahalaga sa akin ay naroon si Senda, ang babaeng nais kong pakasalan. 

"Pambihira ka naman," ani David dito, "akala naman namin kung ano na. May balita ka ba sa kampo nina Marikit? Inihahanda na ba niya ang Nobya?"

"Ah, ang dinig ko kanina pa raw nag-umpisa ang kanilang paghahanda, dahil alam niyo naman, mas maraming etseburetse ang mga babae. Medyo nagkaroon lamang daw ng kaunting aberya dahil bigla na lamang dumating si Patruska at ilang mga Lamabana upang makisawsaw sa pag-aayos kay Senda."

"Teka nga..." sinapo ko ang ulo ko na medyo kumikirot-kirot pa rin, "ano nga ulit ang plano natin? Parang wala akong maalala."

"Naku," wika ni Baltazar kay David, "mukhang nabagok nga siya, baka naalog kaya nalaglag ang memorya niya."

"Shhh," pagsuway ni David dito, "kung wala kang sasabihin na makakatulong, 'wag mo na lang sabihin, puwede? Eh Boss," pagbaling nito sa akin, "isa-isahin na lamang po natin ang pagtalakay sa plano habang kayo'y nagbibihis. Baka po kasi mahuli tayo."

****

Hindi pa ako kinabahan ng ganito katindi.  Pilit ko inaalala ang naging kasal ko noon kay Aretha, ngunit malayong-malayo ito sa nararamdaman ko noon. Hindi ako ninerbyos noon kundi nalulungkot na animo'y nagluluksa; 'yung kalungkutan na para bang katapusan na ng mundo at pinagbagsakan na ako ng langit.

Kalahating oras bago ang pagdating ni Senda ay naghihintay na ako sa bulwagan. Bahagyang nakapagpakalma sa akin ang suot-suot kong maskarang yari sa pilak na hindi naman gaanong nalalayo sa hugis at disenyo ng ginintuang maskara na ipinasuot ko noon kay Gaspar. Sa pakiwari ko nga'y nagsisilbi itong panangga sa aking pamumutla dahil sa labis na pananabik na makita ang pinaka-espesyal na babae sa araw ng aming kasal.

"Boss, ayos ka lang ba?"  bulong sa akin ni David. "nag-aalala ka ba sa magiging reaksyon niya?"

Tumango ako, ngunit sa loob ko'y pinanghawakan ko na lamang ang mga ibinulong sa akin ni Senda habang ako'y nakaratay. Oo, narinig ko lahat ang mga sinabi niya.  Lalo na 'yung bahanging mahal na mahal niya ako, at 'yung kusang loob siyang susuong sa pag-iisang dibdib na ito alang-alang sa akin. At bagaman nangangamba pa rin ako na magagalit siya kapag nalaman niyang ang lalaking mahal at kinamumuhian niya ay iisa lamang, ay nakahanda rin naman akong manuyo ng walang kapaguran kahit na magsimula ulit ako sa umpisa; magpahanggang sa mapatawad niya ako oras na malaman at matanggap niya ang katotohanan na mahal na mahal ko rin naman siya, alinman sa katauhan ni Luis o ni Lucio.

"Ayan na siya..." kinikilig na humagikhik sa David nang mag-umpisa na ang pagtugtog orkestra sa saliw ng musika ni Mendelssohn.

Tila sasabog naman ang dibdib ko sa labis na galak nang matanaw ko na ang marahang paglalakad ni Senda palapit sa kinaroroonan ko.  Napakaganda niya sa kanyang puting pangkasal na lantay ng kumikislap-kislap na mga kristal. Animo'y bumagal naman ang aking mundo na sa pakiwari ko ba'y nawala ang lahat ng mga naroroon sapagkat siya lamang ang nakikita ko.

Agad na inumpisahan ng punong hukom ng hudikatura ng Edenus ang seremonyas ng kasal sa sandaling magkaharap na kami ni Senda sa kanyang harapan. At bagaman kapansin-pansin na hindi man lamang ako sinusulyapan nito ay matamang nakatitig naman ako sa kanya at sa napakaamo niyang mukha.

Batid kong nalulungkot siya, dahil kahit hindi naman ito umiiyak o nakasimangot ay hindi nito maitatago ang kanyang pananamlay. At kahit na oo ang isinagot nito sa katanungan ng hukom bilang pagtanggap sa akin bilang kanyang asawa ay hindi nito maikukubli sa akin ang labis pagdadalamhati sa pinipigilan nitong paghikbi.

"Sa kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng hudikatura ng Edenus," pahuling anunsyo ng punong hukom, "ikaw Haring Lucio Luisito Villaluz y Guerrero, "agad kong napansin ang pagkunot ng noo ni Senda nang marinig nito ang buo kong pangalan na noon din lamang nailahad ng kumpleto sa buong kaharian para sa kaalaman ng lahat, "at Rosenda Ramirez y Mendoza, ay idinedeklara kong opisyal nang pinagbuklod ng pag-iisang dibdib na naayon sa nasasaklaw sa pinagtibay na batas ng kasal ng kahariang ito.  Panginoong Lucio," pagbaling ng hukom sa akin, "maaari mo nang halikan ang iyong asawa."

Sa kauna-unahang pagkakataon ay tiningala ni Senda ang aking mukha at bukas-matang inabangan ang unti-unti kong pagtatanggal ng suot kong maskara. Hindi ko naman maipinta ang kanyang ekpresyon nang tuluyan ko nang nailantad sa kanya ang aking mukha.

"L-Luis? Paanong—" hindi na nito nabuo pa ang plano nitong itanong nang buong pananabik na hinalikan ko na ang kanyang mga labi.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon