KABANATA 73

930 76 8
                                    

Senda's P.O.V.

Nakunsensya ako nang isang nakasimangot na Luis ang tumambad sa akin sa paglabas ko ng kapilya. Mukhang nainip ito sa paghihintay sa akin dahil isang oras din ang itinagal ng Misa dahil sa haba ng sermon.

"Pasensya ka na Luis." Sabi ko habang lumalapit ako sa kanya, "dapat pala hindi na kita isinama rito."

Agad namang nagbago ang ekpresyon ng mukha nito; bigla itong umaliwalas. "H-ha? Bakit naman?"

"Mukhang nainip ka kasi eh. Nakalimutan kong sabihin sa 'yo na baka abutin ng isang oras."

"Naku hindi, ayos lang ako. Hindi ako nainip, hindi naman ako mainipin. Meron lang kasi akong kausa—" tila nag-aalinlangan itong ituloy. "Este kulisap pala. Meron lang kulisap na kumagat sa akin kanina."

"Ha? Anong klaseng kulisap? Saan ka kinagat?" Una kong ininspeksyon ang mga braso niya, pero wala naman akong nakita kahit na kaliit-liitang pantal.

"A-ah, dito s-sa dib-dib ko. Tama, dito sa dibdib ko." Saglit na sinilip pa nito sa leegan ang loob ng kanyang kamiseta.

"Ha? Eh paano namang nakapasok ang kulisap sa dibdib mo?"

"O-oo nga eh."

Natawa ako, "ang lakas naman ng loob ng kulisap na 'yon. Iba rin ang dating mo Luis," biro ko rito, "Pati kulisap handang mag-suicide mission para lang maka-kagat d'yan sa dibdib mo."

Mukhang bumenta ang biro ko dahil napahalakhak ito nang may kalakasan, at natatawa pa rin ito habang naglalakad na kami.

"Ay siyanga pala, Luis." Nang makalayo-layo na kami mula sa kapilya, "ayos lang sa 'kin kung may lalakarin kang iba ngayon. Kailangan ko lang dumiretso sa palengke sa bayan dahil paubos na ang mga pangrekado ko sa paminggalan. Kaya ko namang gawin 'yun mag-isa."

"Sa bayan ba kamo? Ah hindi, wala akong ibang lalakarin. Sasamahan na kita. Kailangan ko rin kasing bumili ng pataba para doon sa mga pananim natin."

"Ilang kilo ba ang bibilhin mo? Kung hindi naman gaanong mabigat, kahit ako na lang ang bibili. Sa akin naman ang gulayan kaya dapat lang na ako ang gumastos. Ikaw na nga ang nagtanim, ikaw pa rin ba sa pataba?"

Sandali itong nag-isip, "plano ko kasing bumili limampung kilo para hindi na tayo magpapabalik-balik. Kailangan ko rin pating bumili ng mga panali at ang pinaka-importante sa lahat, ng kutson."

"Limampung kilo? Halos katumbas na 'yun ng isang kabang bigas ah! Tapos, may kutson pa? Hay naku, Luis, parang hindi naman kakasya sa Jeep 'yang mga plano mong bilhin, at paano naman natin mabibitbit ang mga 'yun kahit na magkasama pa tayo?"

"Anong Jeep? Magdadala tayo ng sasakyan siyempre."

"Alin, 'yung sports car mo na bukod sa 2-seater lang eh wala namang mapaglalagyan ng pinamili."

"Hindi 'yun siyempre. May mahihiraman ako ng malaking pick up truck diyan lang sa pinyahan ng kaibigan ko sa kabilang baranggay. Sasakay lang tayo ng Jeep diyan sa kanto, tapos bababa tayo sa kanto ng San Pedro. Lalakad lang tayo ng kaunti, tapos andun na ang bahay nila."

****

Napapailing na lang ako sa kamandag nitong si Luis. Siya na nga itong nang-abala at nanghiram ng sasakyan sa mag-asawang magpipinya sa San Pedro, ay tila ang mga ito pa ang galak na galak, giliw na giliw at halos mataranta sa pagsisilbi sa kanya at sa pag-aalok ng miryenda sa aming dalawa.

Una naming nadaanan ang tindahan ng mga muwebles, pero nagulat ako sa laki ng kutson na itinuro ni Luis sa saleslady kaya pasimple ko itong nilapitan at binulungan, "para saan ba ang kutson na 'yan, sa bahay mo?"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon