KABANATA 83

887 73 9
                                    

Senda's P.O.V.

"Hindi ko maintindihan ang takbo ng isip ni Ate Marietta." Sabi ko kay Luis.  Magkatabi kami sa likod ng sasakyan, habang nasa unahan naman ang drayber na si David at at ang nobya nitong si Marikit. "Bakit kailangang gawin niya iyon kay kuya kung sa kanya naman pala niya iiwan si Helga?"

"Sinabi mo! Sira na talaga ang tuktok ng impaktang 'yon." Nanggigigil na sagot nito, "pero kung tulad ko ay pag-aaralan mong mabuti ang ikinilos ng isang nilalang sa nakaraan, kahit paano ay mababasa mo kung ano ang hilatsa ng kanilang pag-iisip. Base sa aking obserbasyon sa mga nilalang na dati niyang inalagaan upang maging mandirigma, may paniniwala si Marietta na kapag ang isang nilalang ay pinahihirapan niya at tinanggalan n'ya ng pagkalinga at ginhawa, sila ay mas tumitibay at mas mabilis natututong tumayong mag-isa. Kung tutuusin, tama naman 'yun, dahil ganoon din ako sinanay noon, ang hindi lamang ako sang-ayon ay kung gagawin iyon sa isang sanggol na hindi pa kayang tulungan ang kanyang sarili. Ni hindi pa nga nakapaglalakad ang pamangkin mo 'di ba?  Anong muwang noong bata para pahirapan niya ng gano'n kaaga?"

"Kinakabahan ako." Habang nakatanaw ako sa labas, "ayokong kalabanin ang kuya. Ayoko siyang kasuhan lalo't wala ito sa kanyang sarili."

Kinuha ni Luis ang aking kamay at hinagkan ito.

"Ikaw ang bahalang magdesisyon sa kung anong alam mong tama, mahal ko.  Hindi kita pakikialaman dahil kahit na sabihin pang kadugo ko rin ang iyong pamangkin, ikaw pa rin ang mas may malapit na relasyon sa kanya.  Nandito lang ako para suportahan ka, at tulungan ka sa paraang kaya ko."

"Wala akong abogado ha." Tinapik ko ng kaliwa ang kamay nitong nakahawak sa kanang kamay ko. "Wala rin akong panggastos. Ni wala nga ako maski barya para sa kontribusyon sa gasolina nitong sinasakyan natin."

Natawa  ito, "'Oo nga, pa'no na 'yan?" Pabiro ito. "Pakakainin mo pa kaming tatlo sa pinakamahal na mga restawran, tapos kailangan mo pa kaming dalhin sa mga mamahaling hotel para magpalipas ng gabi. Tsk. Paano na 'yan. Ikaw kasi, mas inatupag mo pa ang pagpapakasal sa isa sa pinakamayamang hari sa kabilang mundo, kaysa ang magbenta ng kape at tsokolate. Paano na 'yan ngayon, kailangan na nating magpa-gasolina sa susunod na hinto?"

Hinila ko ang kamay ko sabay tampal ko sa kaliwang braso nito. "Nakakainis ka. Inaasar mo na naman ako."

Humalakhak ito, "'Kung makapagsalita ka kasi parang lasenggong batugan ang napangasawa mo. Huwag kang mag-alala, kung kinakailangan kong magsibak ng kahoy para sa buong barangay, gagawin ko para may pambayad tayo sa mga abogago, este abodagado pala."

Napatawa ako hanggang sa sumakit ang tiyan ko, "nakakainis ka." Kinurot ko ito sa tagiliran.

"Bakit ako nakakainis?" muling hirit nito, "kasalanan mo naman talaga lahat. Inuuna mo kasi ang pag-ibig kaysa karera at pagpapayaman. Ang hilig mo kasi sa makikisig, nakilala mo lang ang pinakamakisig sa lahat, pinakasalan mo na agad! Kaya hayan, tuloy, namomroblema ka ngayon. 'Yang pagi-pag-ibig na 'yan. Nakakasira talaga ng diskarte 'yan sa buhay."

Piningot ko na ang kaliwang tenga nito para maitago ko ang kiliting nararamdaman ko, "oo na! Ako na ang may kasalanan ng lahat!" Pinagtatawanan lamang naman ako nito kaya natatawa na rin sina David at Marikit sa unahan.

"Naks naman," pagsabat ni David, "nakakainggit namang maglambingan ang dalawang ito. Kailan kaya ako lalambingin nitong nasa tabi ko."

Kinurot din lamang naman ito ni Marikit sa braso. "Saka na, kapag pinakasalan mo na rin ako. Hmp."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Kailan niyo bang plano magpakasal?" tanong ni Luis sa mga ito.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon