KABANATA 101

663 64 14
                                    

Lucio's P.O.V.

"Oo, ipinadala ko nga si Arsenio." Wika ko kay Belen, ang punong kusinera, "pansamantalang inatasan ko itong manilbihan sa inyong kusina at upang tagapaghatid ng pagkain ng mahal na Reyna."

"Tagapaghatid po? Sige po, sasabihan ko po si Himena."

"Sino si Himena?"

"Siya po ang tagapaghatid ng pagkain sa mahal na Reyna. Isa po ito sa aming pitong maharlikang tagapagluto."

"Siya lamang ba ang naghahatid ng pagkain sa aking asawa simula pa sa una?"

"Opo."

Ikaapat na tala sa aking memorya: Kung si Himena lamang ang tagapaghatid simula pa sa umpisa, sino-sino ang iba't ibang mukhang nakikita ni Senda? Hmmm...

****

"Bakit hindi na ikaw ang inatasang tagapaghatid?"

Napakahina ng kanilang mga tinig kaya kinailangan kong pakinggan ng mabuti sa aking kublihan. Natukoy ko na kung sino si Himena, at ang kausap nitong babae na natukoy kong isa rin sa walong tagapagluto.

"Mabuti nga 'yon para lubayan mo na ako!" Mangiyakngiyak na pagmamaktol ni Himena.

"Ah gano'n?" Nagulat ako nang bigla itong sinampal ng kausap, "marunong ka nang lumaban, ha?!"

"Hindi ko na kaya ang ipinagagawa niyo sa akin." Tuluyan na itong umiyak. "Inaabuso niyo na ang kakayahan kong magpalit ng anyo para sa kasamaan. Ano bang kasalanan ng mahal na Reyna sa inyo? Alam niyo bang nagdadalantao siya? Naturingan kayong mga kalahi niya, dapat nga ay natutuwa kayo na ang isang Lambana ay isa na ngayong Reyna! Isusumbong na kita sa pinunong Belen! Sasabihin ko sa kanya na ikaw ang naglalagay ng nakalalasong sangkap sa pagkain ng mahal na Reyn—"

Muli nitong sinampal si Himena, "subukan mo para hindi na sikatan ng araw ang iyong pamilya! Hindi namin kalahi ang bastardang iyon, at lalong kailangang mawala na ang dinadala niya."

"Napakasama mo talaga, Reodica!  Pati ang walang kamuwang-muwang idinadamay niyo! Ikaw at ang mga kasama mo! Binigyan na kayo ng sariling lupain ng Panginoong Lucio pero hindi pa rin kayo nakukuntento! Nais niyo pang patayin ang kanyang mahal na asawa!"

"Manahimik ka, putang ina ka!" tinampal ni Reodica ang bibig ni Himena, "kapag nasakop na ng mahal na Haring Lambino ang Edenus, makikita mo, mas malaking lupain pa ang makukuha namin kumpara sa limos na ibinigay niya sa amin dahil wala nang puwang para sa mga nilalang ng kadiliman. Amin na ang lupain ng mga Aswang, Maligno at itim ng Engkanto! Lahat sila ay mapapaalis na dito. Kaya kung ako sa inyong mga Diwatang Gubat, makisanib na kayo sa amin upang magkaroon din kayo ng malaking bahagi sa muling pagbangon ng kahariang Elysio, sa pamumuno ng mahal na haring Lambino!"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Hindi kayo magtatagumpay!" Humihikbing wika ni Himena. "Mas malakas at makapangyarihan ang Panginoong Lucio sa hari niyo! Lubayan niyo ang pamilya ko! Wala kaming balak sumama sa masasamang nilalang na nagpapanggap na mabuti na tulad niyo!"'

Muling nasampal ito ni Reodica, "hindi kami ang masama at kampon ng kadiliman, kundi ang mga tagasunod ng iyong Panginoon at ang iyong Panginoon na kampon mismo ng diyablo!"

"Mga hipokrito, 'yun kayo!" Patuloy na paglaban ni Himena, "akala niyo kung sino kayong malilinis, pero ang totoo'y maiitim naman ang inyong budhi, mga sakim, traydor, walang pagpapahalaga sa ibang lahi at sa nagpapakain sa inyo. Galit na galit kayo sa mga kalha-kalhating tao, sa mga Nephilim, sa mga Aswang, sa mga Maligno, at sa mga itim na Engkanto dahil marumi ang tingin niyo sa kanila, pero ang totoo, kayo ang mas marumi at masasama! Kayo ang dahilan kung bakit hindi mabuo-buo ang Elysio!"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon