KABANATA 110

654 69 13
                                    

Senda's P.O.V.

"Naku Rosing, kaganda mo namang buntis. Diyosa. Maladiwata." Wika ng isa sa limang kaibigan ni Nana Auring bukod kay Cora at Lagring. Yolly ang pangalan nito, "pero may balat ka yata sa puwet." Humalakhak ito, "walang kuryente kina Ibyang kaya hindi rin tayo makakapanood ngayon." Pero hindi natin sasayangin ang gabi, nilupak lang ang sagot sa ating kasawian. Sabay kagat sa nilupak na pinagsasaluhan naming pito sa palibot ng siga sa tabing-dagat.

"O ikaw naman manang Yolly," pagsingit dito ni Cora, "sa tingin mo, sino ang kamukha ni Rosing?  Kanina pa namin pinagtatalunan eh." Humalakhak ito. "Hindi namin sasabihin kung sino ang sa tingin namin para walang bias. Magkaalaman na."

Agad din naman akong sinipat ni Yolly, ni Rebecca o Bekang, at in Sylvia o Ibyang. Tila pinipigilan naman ni Nana Auring ang kanyang paghinga.

"Parang kamukha mo si Lucy Torres noong kabataan niya." Ani Ibyang, "doon sa shampoo commercial noong 90's."

"Yes!" Halos magkasabay na wika ni Cora at Lagring, bago nag-apiran ang dalawa. Tila nagusamot na papel naman ang mukha ni Nana Auring.

"'Yung buhok lang siguro dahil mahaba at makintab,"pagsabat naman ni Bekang, "pero kahit na kasi magkaiba naman ang kulay, 'yung kay Lucy tuwid na itim na itim, ito namang kay Rosing ay ispunghado na medyo mamula-mula. Hindi ko alam kung sa aling aspeto niya kamukha si Lucy dahil mas agree ako kay Nana Auring na pagdating sa mukha, mas malapit talaga kay Kristine Hermosa."

Biglang nagliwanag ang mukha ni Nana Auring, "tama ka diyan Bekang! Naku, may libre na ang pagpapaanak ko sa 'yo sa ika-siyam mong anak!"

"Ay 'wag ka namang ganyan Nana Auring!" Ani Bekang, "kapapanganak ko lang no'ng isang buwan 'di ba?"

"O manang Yolly, ikaw na!" Ani Cora. 

Wari'y sinusukat muna ni Yolly ang bawat guhit ng mukha ko."Lucy...batang Lucy talaga." Anito. "Mukha rin ang tinitingnan ko at hindi buhok 'no." Nakatingin ito kay Bekang. "'yung mukha niya, kamukha ni Lucy doon sa shampoo commercial."

Naghiyawan naman sina Cora, Lagring, at Ibyang.

"Mga duling kayong lahat, mga pisti kayo!" Pabirong sigaw ni Nana Auring.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Hay naku, bakit ba tayo nagtatalotalo?"  Ani Lagring, "'di ba may kasabihan na beauty is in the eyes of the beholder? So ang ibig sabihin, ang kagandahan ay depende talaga sa tumutingin. Magkasundo na lamang tayo na maganda talaga siya." Itinuro ako nito, "mas maganda pa nga siya sa mga sikat na kilala natin kung tutuusin dahil wala siyang makeup! All natural beauty!"

"Napakatanga naman ng lalaking nang-iwan sa 'yo Rosing," sabi ni Ibyang, "kung ganyan kaganda ay iniiwan, paano na lang kam—" sinuyod muna nito ng tingin ang mga kaibigan. "—sila. Magkasingganda kasi tayo Rosing eh, kaya sila lang."

"Ang kapal ng mukha mo!" Pabirong kantyaw ni Lagring na sinundan naman ng maingay na paghahalakhakan ng lahat.

"Rosing, pagpapasensyahan mo na itong mga kaibigan ko," Ani Nana Auring, "puros lukaret! Sinabi ko naman sa 'yo, maiingay ang mga ito."

"Naku ayos lang po."  Sagot ko naman, "ang saya-saya nga po ninyong kasama. Parang ang sarap niyong maging kabarkada."

"Aba, simula ngayon kabarkada ka na rin namin Rosing," wika ni Ibyang, "dapat kasi talagang tayong magaganda ay magsama-sama para kumalat ang kagandahan sa mundo. Hindi naman nagkakalayong masyado ang mga hitsura natin, hindi ba? Sabi nga sa kasabihan, Mayas with the same feather, flock together."

"Bilib na talaga ako sa self-confidence mo Ibyang!" Kantyaw dito ni Lagring, "parang bagyo sa laot, nakakayamot!" 

Muling nagtawanan ang lahat.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon