KABANATA 5

7.5K 418 24
                                    

Senda's P.O.V.

"Senda, anong ginagawa mo? Ayaw mo na ba kaming papuntahin sa bahay mo?" tanong ni Thea habang nagbubudbod ako ng asin sa palibot .  Hindi ko napansin na nakatayo na pala ito, kasama ang dalawa pa naming kapatid na sina Dalia at Hera, sa labas ng tarangkahan.

"Naku, hindi Thea. Halikayo," sinensyasan ko ang mga ito na sundan ako sa kabilang gilid. "May inihanda akong maaari niyong pasukan dito sa gilid." Sinundan naman nila ako. "Pasensya na nga lang at makipot kaya hindi kayo maaaring magsabay-sabay sa paglabas at pagpasok."

Natatawa sila, "ano bang nangyayari sa 'yo, kapatid?" tanong ni Dalia habang pumapasok na sila sa loob ng bakuran ko isa-isa, "bakit bigla-bigla ka na lang naglalagay ng asin sa paligid. May problema ba?"

Iginigiya ko na ang mga ito papasok sa loob kubo ko. "Dito na lang natin pag-usapan sa loob." Luminga-linga din naman muna ako paligid bago ko isinara ang pinto. "Maupo muna kayo."

"Wag na, Senda." Si Hera, "hindi naman kami magtatagal. Naparaan lang naman kami rito para tingnan kung ano ang kalagayan mo. Napansin lang naman 'yung ginagawa mo kaya kami napahinto.  May problema ka ba, Senda?"

"Wala naman akong problema, ang kaso, mula nung nagtungo ako sa kakahuyan sa kabilang ibayo noong kabilang linggo lang, tila ba may mga sumunod sa akin dito at madalas ko nang nararamdaman at naririnig sa aking bubungan kapag gabi." Napansin kong nagkakatinginan ang mga ito habang nagsasalita pa ako.

"Senda..."bakas sa mukha ni Hera ang pag-aalinlangan, "bakit kasi hindi ka na lang sumama sa amin. Mapapasaya mo pa kami at si Ama dahil matagal ka na rin niyang gustong makasama. Marami rin naman sa mga kalahi nating Lamabana ang nais kang makilala."

"Maaari ngang marami, pero hindi lahat." Nanlulumong sagot ko, "at maaari ngang gusto akong makasama ni Ama pero sigurado akong hindi ito magugustuhan ng inyong Ina. Alalahanin niyo, hindi naman ako puro. Anak ako ni Ama sa pagkakasala sa isang tao. Sa lenguahe ng mga tao, isa akong bastarda o anak sa labas na kailanma'y hindi matatanggap ng iba sa inyong kalahi, lalong-lalo na ang inyong Ina. Mapalad na nga akong maituturing dahil tanggap niyo akong tatlo, pero hindi ang apat pa sa inyong magkakapatid. Mas marami pa rin sa inyo ang kinamumuhian ako."

Hindi na nakasagot pa ang tatlo patungkol sa mga tinuran ko dahil alam na alam naman nila na 'yun ang totoo. 'Yun nga ang dahilan kung bakit ako nag-iisa, simula ng mamatay ang aking ina. Humiwalay na rin ako sa nag-iisa kong kapatid na lalaki sa ina na si Kuya Arnulfo, simula ng mag-asawa ito. Itinakwil ng asawa at ng mga kamag-anak niya ang aking ina, simula ng ipinagbuntis niya ako sa isang Engkanto, at pinagbalawalan namang lumabas ng lupain ng mga Lambana ang aking Ama, simula ng magkasala ito. Kaya naman sa dalawang partido ng mga magulang ko, wala akong maituturing na malapit na kadugo bukod sa tatlo kong kapatid na Lambana na naging napakabait naman sa akin simula pa sa simula. Ito ang dahilan kung bakit mas pinili kong manirahang malapit sa kanila sa nakakubling bukid kaysa sa isang progresibong kabihasnan,  upang makasama ko sila nang mas madalas.

"M-maiba nga tayo kapatid." Pagbasag ni Thea sa sandaling katahimikan, "anong mga nilalang sa palagay mo ang mga sumunod sa 'yo mula sa kabilang ibayo?"

"Hindi ko sigurado," sagot ko, "pero nung kabilang gabi, nauulinigan ko sila sa bubungan. Nakakarinig ako ng tila ba malalaking pakpak na lumilipad at huni ng mga ibon at paniki. Tapos, may naririnig din akong nag-uusap at naunawaan ko ang mga salitang...aswang, panginoon, tikbalang, maligno, pistahan...putol-putol kasi ang naiintindihan kong mga salita dahil parang nagbubulungan lang sila, ganun."

Nanlaki ang mga mata ng tatlo, "Aswang!" Sabay-sabay na namutawi ito sa kanilang bibig.

"May Aswang na sa lugar na 'to?" ani Dalia.

"Pero paano naman magkaka-Aswang dito eh napakaraming iba't ibang uri ng Engkanto rito?" ani Thea.

"At alam na alam mo naman na hindi maaaring magsama sa iisang lugar ang mga Engkanto at ang mga masasamang elemento tulad ng mga Aswang at mga Maligno." si Hera naman.

"Pero 'di ba, may masasama ring Engkanto?"

"Oo nga, pero..." wala nang maisip na idurugtong pa si Dalia kundi... "kunsabagay."

"Pero tulad ng katanungan ko kanina, ano sa palagay mo ang mga nilalang na gumagambala sa 'yo, Senda?" ani Thea.

"Ewan ko, pero malakas ang pakiramdam ko na mga Aswang nga. Nabalitaan niyo ba ang nangyari sa kabilang nayon?"

"Aswang?!" Muli na namang nagsabay-sabay sa pagsambit ang mga ito na tila ba ito ang pinaka-kagimbal-gimbal na salita para sa kanila. Kumilos sila na animo'y nangingilabot pa sila at nandidiri.

"O, bakit parang takot na takot kayo?" biro ko.

"Alam mo namang ayaw na ayaw namin sa mga nilalang na 'yun. Anong uri pa man sila." Sagot ni Dalia, "mas matatagalan pa namin ang mga Maligno pero hindi ang mga Aswang."

"Ang papangit." Nakangibit si Thea.

"Ang babaho." Ganun din ang reaksyon ni Hera. "Lalo na 'yung mga hininga."

Natatawa naman si Dalia sa sinabi ni Thea at Hera, "paano mo naman nalaman na mabaho ang hininga ng mga Aswang Hera? Siguro may nakahalikan ka nang Aswang 'no?" nakangisi ito.

"Kadiri ka." Reaksyon ni Hera sa panunukso ni Dalia, "eh pa'nong hindi ko iisipin na mababaho ang hininga nila? 'Yung iba sa kanila, kumakain ng bangkay. 'Yung iba, mga hayup--buhay man o patay. 'Yung iba, kumakain din ng tao!"

"Eh paano kung ubod ng kisig ng Aswang, tapos nanligaw sa 'yo?" tanong ni Dalia kay Hera.

Ako na ang napatawa ng tila nag-isip pa si Hera, "depende siguro kung gaano kakisig."

Tumawa ng malakas si Dalia, "kita mo." Sabi nito sa akin, "kunyari suplada pero kapag makisig, kahit pa Aswang, papayag din."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Ah ako ayoko talaga kahit pa makisig." Pagsingit ni Thea. "Kahit kasing kisig pa niya si Lucio."

Sandaling natahimik kaming lahat. Nakatutok lang ang aming mga mata kay Thea.

"Hindi naman Aswang si Lucio." Sabi ni Dalia, "so kung 'yun ang manligaw sa 'yo, may pag-asa?"

Kumibit-balikat ito, "depende." Sagot ni Thea.

"Depende naman saan?" tanong ni Dalia rito.

"Depende kung magpapakabait na siya at magbabago para sa kin." Animo'y nanaginip ito ng gising.

Nagsimula nang magtuksuhan ang tatlo na tila ba pare-parehas naman silang humahanga sa kakisigan ng kung sino man 'yung pinag-uusapan nila.

"Sino si Lucio?" tanong ko sa tatlo.

"Hindi mo kilala si Lucio?!" sabay-sabay nilang sambit na tila ba mortal na kasalanan ang hindi ko pagkakakilala sa aking nabanggit.

Umiling ko. "Bakit, sino ba 'yun?"

"'Yun ang itinuturing nga hari ng mga mandirigmang Aswang, Maligno at ilan sa mga tumiwalag na Engkanto." Sagot sa akin ni Hera.

Namilog ang mga mata ko, "kung hindi siya Aswang, ano s'ya...Maligno? Engkanto?"

"Hindi. Isa s'yang Nephilim." Sagot ni Hera.

"Na ubod ng kisig." Pagsabat ni Dalia.

"At makapangyarihan." Wika naman ni Thea

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon