KABANATA 76

812 68 10
                                    

Senda's P.O.V.

Muling hindi ako nakatulog kinagabihan.  Walang hinto ang panghiling ko sa PANGINOON na tulungan ako sa mga suliraning nangyayari sa buhay ko, lalong-lalo na sa nararamdaman ko para kay Luis. Ngayon lang ako nakaranas na tratuhin na daig ko pa ang isang reyna dahil mas sanay ako na pinababayaan, inaabandona, iniiwasan at hindi pinapansin. Ngunit kahit halos sumara na ang mga mata ko sa kaiiyak, parang lalo lang tumitindi ang pagbabangayan ng puso at isipan ko. Gusto kong manalo ang isipan ko dahil ito ang nakakaalam ng tama at mali, pero sa sobrang lakas ng nararamdaman ng puso ko, tila nagagapi nito ang kapangyarihan ng pag-iisip ko.

Ganito nga kaya ang pakiramdam ng pagmamahal?  O baka naman nalilito lang ako dahil ano bang alam ko sa mga ganitong bagay gayung hindi pa naman ako nagkakaroon ng nobyo kahit kailan. Wala rin naman akong mga kaibigan na maaari kong pagtanungan kung normal ba, o kung tama ba ito? Nami-miss ko tuloy ang mga kapatid kong sina Hera, Thea, at Dahlia, na mukhang pinagbawalan na naman ng aming ama na makipag-usap sa akin. Kumusta na kaya sila, at ano kaya ang pinagdadaanan nila ngayon dahil sa nangyari sa apat naming kapatid na lalaki.

"Boss!" Pagtawag ng pamilyar na tinig mula sa labas ng tarangkahan. Napabalikwas ako at agad na sumilip mula sa bintana ng aking silid.  Si David iyon, at kasama nito si Baltazar. Batid kong hindi sila makapasok sa aking bakuran dahil muling binudburan ng asin ni Luis ang mga bakod pagkatapos ng saglit na pag-ulan kamakailan lang.  Ilang beses pa nilang tinawag si Luis bago ko natanaw ang paglabas nito, bitbit ang  gasera.

"Anong ginagawa niyo rito ng ganitong oras? Alas onse na ah!" Bungad ni Luis sa mga ito.

"Pasensya ka na, Boss." Ani David, "alam naming sa makalawa pa dapat ang orihinal na plano natin pero kasi, natimbrehan kami ng mga kaibigan ni Marikit mula sa Mushuria kanina. Ang sabi nila, papunta na raw rito ang pangkat nina Lambino anumang oras upang dakpin si Senda. Kailangan nating baguhin ng kaunti ang plano, dahil kailangan na nating siyang dalhin sa Edenus ngayon mismo."

Kinabahan ako nang marinig ko ang pangalan ko kaya unang pumasok sa isipan ko ay ang hugutin ang maliit na kahon na kinalalagyan ng pinakamahahalagang bagay sa akin mula sa ilalim ng kama. Agad na ibinalot ko ito sa manipis na kumot upang mas madaling bitbitin. Dali-dali ko ring kinuha ang pinakapaborito kong balabal at ibinalot dito ang isang bestida, dalawang kamison at tatlong pares ng damit pang-ilalim, kaya naman sa nagmamadaling biglang pagpasok ni Luis upang sabihin sa akin na kailangan na naming umalis ay bitbit ko na ang mga kailagan kong dalhin.

Ngunit kahit anong bilis ng aming pagkilos ay naging mas mabilis at biglaan ang pagdating ng pangkat na iniiwasan namin.  Nasa salas pa lamang kami nang marinig namin ang pagkakagulo sa labas.  Una kong natanaw ang aking ama na may kasamang higit sa dalawampung mga engkanto. Walang pakundangang sinagasaan lamang ng mga ito si David at Baltazar at walang pag-aatubiling ginulpi ang mga ito.

"Senda, dito ka na dumaan sa  kabilang bintana." Hinatak ako ni Luis upang alalayan palabas sa bintanang nakaharap sa likod-bahay. "Tumakbo ka diretso sa direksyon ng silangan. May naghihintay sa iyo na isang diwata sa malaking puno ng balete. Marikit ang kanyang pangalan."

"Pero pa'no ka? H-hindi mo ba ako sasamahan?"

"Kailangan kong harangan ang iyong ama para makatakas ka, bilisan mo na, magkita na lamang tayo sa Edenus!"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Ayokong iwanan si Luis pero wala akong nagawa kundi gawin ang sinabi niya. Gusto kong maiyak nang hindi pa man ako nakakalayo ay kinuyog ito ng mga Engkanto, ngunit dahil sa nerbyos ay hindi magawang tumulo ng luha ko. Tumakbo lamang ako ng tumakbo kahit na hindi ko alam kung saan sa silangan ako tutungo o hihinto.  Ilang beses din akong nadapa dahil halos hindi ko makita ang aking dinadaanan lalo't hindi naman kabilugan ng buwan.

"Mahal na Prinsesa!"  Mayuming tinig iyon ng isang babae. Nagmumula ito isang puno ng balete na hindi ko namalayang nalampasan ko na pala.  Agad akong huminto at nilingon ito, at sa may puno nga'y lumitaw ang isang napakaganda at napakaliwanag na nilalang. Nakangiti ito sa akin.

"I-ikaw ba si Marikit?" tanong ko rito.

"Ako nga po. Halika—" iniabot nito ang kanyang kanang palad sa akin. "Hindi tayo maaaring dumaan sa karaniwang mga lagusan patungong Edenus dahil napapalibutan ito ngayon ng mga taga Mashuria.

Hinawakan ko agad ang napakalambot na kamay nito at nagpakatianod sa kung saang direksyon man ako nito igiya. "Saan tayo dadaan?"

"Doon, sa bangin."

Namilog ang mga mata ko, "s-sa bangin? Saan sa bangin?"

"Huwag kang mag-alala, mahal na Prinsesa.  Hindi kita pababayaan. Ipikit mo lamang ang iyong mga mata sakaling matakot ka.  Hindi lahat ay nakakapasok sa lagusang iyon. Tanging 'yun lamang nabigyan ng susi ng mahal na Haring Lucio at ipinahiram naman niya ito sa atin."

****

"Anong nangyari sa inyo?"  tanong ni Marikit sa bugbog saradong sina David at Baltazar.

"Mga hayup na mga Engkantong 'yun," pagmamaktol ni Baltazar, "may araw din sila amin. Akala namin madadakip din kami, buti tinulungan kami ng Panginoong Lu—"napasulyap ito sa akin, "—is."

"Nasaan si Luis?" Tanong ko rito.

Malungkot na nagkatinginan sila ni David. "Nadakip siya noong iniligtas niya kami. Ayaw nga namin siyang iwanan noong binubugbog at sinasaksak siya ng espada ng iyong ama, pero pauit-ulit niya kaming sinigawan na tumakbo na."

Nanlamig ang aking buong katawan sa narinig ko, "s-sinasaksak?" nag-umpisa na akong maiyak. "Bakit niyo siya iniwan?!"

"P-pasensya ka na, Senda." Nanlulumong sabi sa akin ni Baltazar. "Wala rin kaming nagawa. Nakita mo naman itong hitsura naming parang niluray na basahan.  Hindi naman kami mandirigma ni David, samantalang dalawampung pinakamahusay na mandirigma ng Mashuria ang mga kasama ni Lambino. Sa aming tatlo, ang Panginoong Luis lang ang bihasa."

Hindi ko na halos marinig ang kanyang mga sinasabi nang dahil sa nakaririnding ingay mula sa aking sariling paghagulhol. Ang sakit-sakit ng dibdib ko. At kahit nararamdaman ko ang pag-alo sa akin ni Marikit ay hindi ko alam kung paano ko pakakalmahin at patatahanin ang aking sarili.

Si Luis ang pumatay sa aking mga kapatid kung kaya puspos ang aking pag-aalala sa katotohanang  mas malamang na hindi ito bubuhayin ng aking ama bilang paghihiganti.

****

"Tahan na, mahal na Prinsesa." Pag-alo sa akin ni Marikit.

"Magtatatlong araw na, buhay man o patay, bakit wala pa ring balita tungkol kay Luis?"

"Hindi ko rin alam. Wala ring balita sina David. Kumain ka muna. Hindi ka pa kumakain simula nang dumating tayo rito. Baka magkasakit ka na niyan."

"Sa palagay mo ba may pakialam pa ako kung magkasakit man ako, o kahit mamatay na ako?" Muli na namang umagos ang mga luha ko.

"Mapapagalitan ako ng Panginoong Lucio kapag nagkasakit ka. Kailangan mong maging malakas para sa magaganap niyong pagpapakasal sa palasyo anim na araw mula ngayon."

Lalong tumindi ang paghagulhol ko; pagtangis na parang gusto ko na ring mamatay sa kaiiyak.  Sana nga nakakamatay na lang ang pag-iyak para matapos na ang paghihirap ng kalooban ko.

"Mahal na Prinsesa, kumain ka naman muna kahit kaunti lang." Pagsusumamo sa akin ni Marikit. "Hayaan mo, gagawa ako ng paraang makausap ang mga kaibigan ko sa Mashuria.  Pero sa ngayon, kailangan mong magpalakas para bukas."

"Bakit? Anong meron bukas?"

"Bukas ang dating nga modistang naatasang magtahi ng iyong pangkasal."

Pangkasal?  Pero bakit ang pakiramdam ko ay Pangburol ang isusukat sa akin?  Hindi ko na alam kung saan ko pa isisilid sa puso ko ang isa pang matinding dagok na darating.

[ITUTULOY]


My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon