KABANATA 119

667 78 16
                                    

[Editor's Note:  The timeline of  the next few chapters are within the period of the Prologue of Katropa Series Book 1:  Ang Pag-ibig ng Aswang. Helga, the main character on APNA, was about 17 to 18 years old around this time.]

Senda's P.O.V.

"Bakit laging ang samang makatingin ng mga tao rito?"  tanong sa sa akin ni Matias habang naglalakad kami papasok sa aking munting dampa matapos naming bumaba sa kanyang luma ngunit maaasahan namang kotse.  Miminsan lamang kasing nakakaparoon si Matias kaya hindi ito sanay sa mga tao roon.  "Pagpasok pa lang natin sa arko ganyan na silang makatingin, parang mangangain ah!"

"Huwag mo na lamang silang pansinin.  Ganyan lang talaga sila. Sanay na ako.  Halika, pumasok na tayo sa loob." Binuksan ko na ang pintuan.

Lumilinga-linga pa rin ito sa mga tao sa kapitbahay, maging yaong mga dumadaan-daan lang na lahat ay pawang mga nakatingin sa amin, "Grabe ah! Sigurado ka bang ligtas ang lugar na ito para sa 'yo?" matapos kong maisara ang pinto.

"Teritoryo ito ni Ate Marietta, walang gagalaw sa atin dit—" naputol ang sasabihin ko dahil bigla akong nilingon ni Matias. Nakangisi ito.

"Di ba mas dapat nga tayong nerbyosin kung teritoryo nga niya ito?" bulong nito. 

Napatawa ako habang binubuksan ko ang bintana, "Kunsabagay, pero alam mo ba? Kahit teritoryo ito ni ate Marietta, parang may mga umaaligid-aligid dito na dati ko nang nakita sa Edenus.  Parang may mga nagbabantay rin na mga engkantong taga-Edenus dito."

"Ha? Eh kung totoo 'yan? Bakit hindi ka pa sinusugod ni Lucio rito?"

Nagkibit-balikat ako dahil hindi ko rin alam ang sagot. Bigla akong nakaramdam ng matinding kalungkutan at pamamanglaw. Dahil sa isipan ko, ang ibig sabihin lamang noon ay tuluyan na akong nakalimutan ng mahal kong si Luis.  Hindi nawawala ang kirot sa puso ko kapag sumasagi ang alaala niya sa aking isipan, dumadalaw rin ang mga pangyayari sa nakaraan, lalo na noong mga panahon na sinusuyo pa lamang ako nito.

Maya-maya pa'y may isang grupo ng mga kababaihan ang dumaan. Tulad ng iba ay masama rin ang tingin ng mga ito sa amin; nagbubulungan sila. Bakas sa mga mukha nila na ako ang kanilang pinag-uusapan.

"Kahit saan talaga hindi nawawalan ng mga tsismosa." Natatawang wika ni Matias.

"Ewan ko ba? Mali lang siguro ang tayming ko nang dito ako pinatira ni ate Marietta labing-limang taon na ang nakalilipas." Umupo na muna kami sa may sala upang makapagpahinga. "Ayon sa una kong naging kaibigan dito noong mga panahon na 'yun, may naganap daw na pambibiktima ng mga Aswang dito mga limang taon bago ako dumating.  Isa raw itong babae at bagong salta lamang dito. Kaya noong ako na ang bagong salta, lahat sila parang nakamasid na sa akin. Inaabangan siguro kung kailan maghihiwalay ang katawan ko."

Napahalakhak si Matias, "eh 'di labinlimang taon na rin pala silang nagbabantay? Napakatiyaga naman pala ng mga taga-rito!"

"Hay naku. Di ko nga alam kung bakit hindi sila maka-move on. Wala namang nangyaring gano'n simula nga dumating ako rito kaya hindi ko rin maintindihan kung bakit sila ganyan sa akin hanggang ngayon. Lalo pa ngang lumala ang mga 'yan noong umalis na 'yung kaisa-isa kong naging kaibigan dito. Wala na kasing nagtatanggol sa akin."

"Tsk. Parang ayaw kitang iwanan dito. Sigurado ka bang ayos ka lang dito?" 

"Oo naman!  Hindi naman ito ang una at nag-iisang beses na inihatid mo ako rito hindi ba?"

"Ewan ko ba?  Masama talaga ang pakiramdam ko sa pagkakataong ito. Mas malala pa sa mga Aswang makatingin nang pailalim ang mga tao rito ngayon eh. Kundi nga lamang napakarami ng iniuutos sa akin ni Alfonso, kahit dito muna ako tumigil hanggang sa masiguro ko na ligtas ka rito."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon