KABANATA 111

644 72 9
                                    

Senda's P.O.V.

"Sino po si Reyna Oksana?" tanong ko kay Nana Auring nang makauwi na kami sa bahay. Nakaupo kami sa sala. "Saang kaharian po siya Reyna?"

"Ah!" Natatawa ito, "hindi naman siya Reyna talaga kundi isang Doktora na bumibisita rito sa amin dati upang manggamot at mamigay ng libreng herbal at mga bitamina. Tinawag lamang namin siyang Reyna Oksana dahil kamukhang-kamukha niya si Oxana Federova."

"Oxana Federova?  Sino po 'yun? Artista rin po ba?"

"Ano ka ba naman Rosing. Sikat na sikat na Reyna ng kagandahan 'yun pero hindi mo kilala? Miss Universe 'yun dati, kaso mo na-dethrone yata o nag-resign, ewan! Basta, 'yun ang kamukha niya kaya 'yun ang naging bansag ng mga taga-rito sa kanya, na ginaya na rin ng ibang baryo dahil wala silang originality."

"Ah...pero kung  Doktora po siya bakit po niya kayo tinutulungan laban kay Lucio?"

Muli na naman itong napatawa, "pasensya ka na Rosing. Ang totoo niyan, hindi naman talaga siya Doktora. Doktora lang ang tawag namin sa kanya dahil sa sobrang ganda niya na parang ikaw rin, mala-diyosa ang ganda niya, parang hindi bagay na tawaging Albularya, kaya kung hindi Reyna Oksana ay Doktora ang tawag namin sa kanya. Pero mas gusto niyang tinatawag siyang Reyna Oksana dahil napapangiti siya kapag 'yun ang tawag namin sa kanya. Alam mo, teka, palagay ko ay may naitago akong group picture namin tatlong taon na ang nakalilipas.  Sandali lang." 

Agad nitong tinungo ang isa sa dalawang silid at sa pagbalik nito ay may hawak-hawak na itong isang litrato.

"O heto," tumabi ito sa akin upang ipakita ang isang group picture. "Ke liliit nga lang ng mga mukha namin dito dahil pinagkasya ang napakaraming tao dinayo siya rito sa baryo noong huli itong bumisita." Itinuro nito ang matangkad na babaeng nasa gitna na naging dahilan ng agaran kong pagkagimbal dahil hindi ako maaaring magkamali; si Ate Marietta ang nasa litratong iyon. "Miss na nga namin siya dahil may katagalan na noong huli siyang nagparito. Tulad ng sinabi ni Matias, biglang-bigla raw na hindi na lamang nagpapakita at 'yung utusan niyang si Alfonso na lamang ang lagi naming nakakausap kapag may nais kaming iparating sa kanya. Sumasagot naman siya at nagpapadala pa rin ng mga herbal at mga bitamina rito sa amin, pero masyado na raw siyang maraming ginagawa upang madalaw kami nang personal."

Parang alam ko na kung bakit hindi na nagpapakita si Ate Marietta sa mga ito.  Nagbago kasi ang anyo nito simula ng maipanganak niya ang aking pamangkin, at wala itong kakayahang baguhin ang kanyang anyong anghel na may napakalaking ginintuang pakpak at maputlang balat upang magmukhang ordinaryong tao muli dahil ito raw ay sumpang galing sa langit na hindi kayang baliin at basagin ng ano mang uri ng karunungang hindi nagmumula sa DIYOS.

Hindi ko alam ang detalye kung bakit siya nagkaganoon bukod sa sinabi ni Luis na nagkagano'n din daw ang kanyang Lola—ang ina ng kanyang ina. Nangyayari raw iyon sa mga babaeng bumabasag sa diretsong linya ng mga panganay na lalaki sa kanilang angkan, kapag ang panganay nito ay isa muling babae na kung tawagin ay Tudlaan na tulad naman ng ina ni Luis.  Ang Tudlaan daw ay marka ng bagong simula o ang bagong henerasyon na tuluyang magbubura ng apelyidong ginagamit ng dating henerasyon dahil sa makalawang pagbasag nito.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Sa muling panggugulo ni Lucio rito," pagpapatuloy ni Nana Auring. Nakatingin ito kay Tata Pepe, "kailangang maiulat natin ito agad kay Reyna Oksana upang makapagpadala siya rito ng mga ispiritung tagabantay."

Napakunot-noo ako, "Ispiritung taga-bantay?"

"Mga Engkanto." Sagot ni Nana Auring, "at mga Santelmong nagpapaikot-ikot sa palibot.  Hindi lamang kasi ito ordinaryong Albularya, may kapangyarihan din itong tumawid sa kabilang mundo tulad ng demonyong si Lucio. Kaya siya lamang talaga ang alam naming makapagliligtas sa amin laban sa hari ng kadiliman! S'ya lamang ang pag-asa natin laban sa mga Aswang, Maligno, Itim na Engkanto, at iba pang mga halimaw ni Lucio! Ewan ko ba, kung bakit may likas na masasamang nilalang tulad ni Satanas at ng Lucio na 'yan. Ang problema, hindi naman sila namamatay. Ang puwede lang siguro ay ang sunugin sila sa impiyerno...."

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon