KABANATA 72

722 62 7
                                    

Lucio's P.O.V.

Musika sa aking pandinig ang walang-hintong pagwawala at pagmumura ni Marietta. Lahat na yata ng masasamang salita ay ikinabit na nito sa aking pangalan ngunit wala kong pakialam, dahil wala namang halaga sa akin ang kahit anong pananalita na nagmumula sa kanyang bibig. Lalo itong nagwala matapos kong haklitin mula sa kanyang leeg ang kuwintas na Carbonado na pinangahasan niyang nakawin mula sa akin kamakailan lang dahil sa pag-aakala nito na makatutulong ito upang makabalik siya sa anyong tao, sapagkat ito ay may kapangyarihang pigilin ang napakasakit na pagtubo ng aking mga pakpak tuwing ikatlong linggo ng bawat buwan.

Doon s'ya nagkamali, dahil ang kuwintas na ito ay may bisa lamang sa sa panganay na anak ng isang Tudlaan. Ang kuwintas na ito ay para sa akin lamang, at hindi pa ipinapanganak ang maaari kong pagpasahan nito. Ang itim na diyamanteng ito ay ibinigay sa akin ng Anghel na si Haniel mula sa langit ng Shehaquim (1), nang matanggap ko ang sumpa ng DIYOS matapos kong isangla ang kaluluwa ko kay Satanas. Ibinigay nito ito sa akin bilang tanda ng awa nito sa aking sinapit, na naging dahilan naman upang ito mismo ay pansamantalang maparusahan ng pitumpong taong pagkakakulong sa isa sa napakaraming kulungan ng mga anghel sa Raquia (2).

"Pagbabayaran mo ito ng mahal, Lucio! Alam kong hindi kita mapapatay pero papatayin ko si Senda at lahat ng malalapit sa 'yo. Papatayin ko silang lahat sa kahit anong paraan! Tatandaan mo ang araw na 'tong demonyo ka! Ikulong mo man ako ngunit hindi ang mga alagad ko! Sinisiguro ko sa 'yo na magtatagumpay ako. Isinusumpa ko! Hindi ako titigil hangga't hindi ka humahalik sa lupa!"

Pinanonood ko lamang ito habang pinagtutulungan itong ikulong ng mga naaatasan kong Sarangay sa bago nitong seldang matatagpuan sa dulo ng lalamunan ng Balong Walang hanggan. Ang Lalamunan ang siyang hangganan ng aking teritoryo sa ilalim ng lupa, na siya namang entrada ng teritoryo ni Apolyon na tumatayong hari ng Puso, Mga Baga, at Tiyan ng balon kung saan pansamantalang nakakulong ang mga anghel na nagkasala sa DIYOS noong bago pa man naganap ang malaking baha at ang rebelyon ng mga Anghel. Sadyang doon ko siya ipanakulong sa pinakadulo ng Lalamunan upang walang makakarinig sa kanya bukod sa kanyang sarili.

"Dalhan niyo ng pagkain at inumin sa oras, kainin man niya o hindi," pabulong na utos ko sa punong kawal doon habang palabas na kami sa Bunganga, "huwag niyong kakausapin at ngunit huwag niyo rin namang sasaktan. Hayaan niyo lang magwala at mag-ingay hangga't gusto niya. Huwag kayong mag-aatubiling mag-ulat nang diretso sa akin maski na patungkol lamang ito sa kaliit-liitang detalye tungkol sa presong ito, maliwanag?"

Tumago naman ang punong katiwalang binulungan ko.

****

Halos halikan na ni David ang aking paa nang pinuntahan ako nito sa aking trono. Kasama na nito ang kanyang diwatang nobya na ipinakilala nitong si Marikit. Lubos-lubos din naman ang pasasalamat ng dalaga sa kanyang kalayaan at sa pagkakalinis ng kanyang pangalan sa napaka-ikling panahon.

"Katulad po ni David," anito, "nais ko rin po sanang maglingkod sa inyo. Pag-utusan niyo rin po ako, kahit ano po sa abot ng aking makakaya."

Sandali akong nag-isip, "sigurado ka? kahit ano?" ngumisi ako ngunit ito'y upang tuksuhin lamang si David.

"Boss!" Nang mapansin ito ni David at ang reaksiyon nito ay tulad ng aking inaasahan, "basta 'wag lang 'yun ha? Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin. Nobya ko po 'yan, parang awa mo na..." ngumibit ito na tila iiyak na, "may Senda na naman po kayo 'di ba? Di ba, one woman man naman po kayo?" Ito na yata ang namumukod-tangi sa lahat ng taga-Edenus na mahilig gumamit ng salitang Ingles.

Nang dahil sa nakakatawang pagsusumamo nito ay hindi ko na pinigilan ang malakas kong pagtawa. "Siraulo ka talaga. Tumayo ka nga riyan!" Sabi ko rito, sabay tadyak ko rito nang pabiro.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon