KABANATA 12

5.8K 400 25
                                    

Senda's P.O.V.

Tulad ng dati, ginamit ni ate Marietta ang biglaang pagsusungit upang hindi ko na siya tanungin ng mga katanungang ayaw niyang sagutin.

"Gusto ko ng hamonado para bukas." Wika niya sa akin na tila ba ako'y kanyang alipin. "Isangla mo na 'yang singsing sa bayan, at kung mahahanapan mo ako ng paraan para nakarating ako sa Aparri, bibigyan kita ng maraming ginto para makapamuhay ka nang mas maayos!"

"Maayos naman ako rito, ate."

"Maayos? Maayos ba 'yang wala ka man lang pambili ng bagong bakya? Maayos ba itong puro Dalag at gulay lang ang pagkain mo sa kabila ng mahabang oras ng pagbibilad sa araw para maihanda at maibenta ang mga paninda mong kasing halaga lamang naman ng dalawang araw na pagkain?"

Hindi na ako sumagot dahil alam kong hindi rin naman nito ako bibigyan ng pagkakataong makapagdahilan.

"Mag-isip ka nga ng mabuti, Senda." Pagpapatuloy niya, "at paano ka rin makakahanap ng mapapangasawa kung pilit mong ipinagsisiksikan ang sarili mo sa kalagitnaan ng gubat?"

"Hindi naman ako naghahanap ng mapapangasawa, ate. Masaya na akong mamuhay mag-isa."

Lalo itong sumimangot, "at ano? Tatanda ka na lang na walang kasama? Mamatay ka na lang na hindi man lamang nagkakaanak?"

Muli ko itong sinagot ng katahimikan.

"Gusto kong doon ka na maglagi sa Roxas kasama ng kuya mo." Muling pagbasag niya sa aking pananahimik.

"Roxas? Akala ko ba'y nasa Maynila ang--"

"Sundin mo na lang ang gusto ko! Ibibigay ko sa 'yo ang address ng bahay ko sa Aklan. Ikaw lang ang maaari kong asahan sa pag-aalaga kay Helga!"

'Yun ang gusto niya? Paano naman ang gusto ko?

"Helga? S-sino si Helga?" tanong ko.

"Ang anak ko. Ang pamangkin mo." Sagot niya. "Ikaw lang ang maaari kong pagkatiwalaan sa kanya. Masyado pa siyang bata para mawalay sa pangangalaga ng isang ina."

"Pero..."

"Bakit Senda? May naiisip ka pa bang ibang tao na maaaring kumalinga sa kanya bukod sa kapatid mong lampa?"

Bigla akong nakaramdam ng pagkainis, "lampa? 'Yun na lang ba ang kuya ko para sa 'yo?"

"Bakit? Hindi ba? Bukod sa lampa, mahina pa ang loob. Hindi maaasahan sa kahit ano. Walang sariling paninindigan. Sa tingin mo, ano na lang ang kahihinatnan ng anak ko kung lalaki siya kasama ang gano'ng klaseng magulang?!"

Tuluyan nang uminit ang ulo ko, "kapag hindi mo pa tinigilan ang pang-iinsulto sa kapatid ko, magkalimutan na rin tayo! Umalis ka na lang dito sa pamamahay ko at bahala ka nang lumipad sa Aparri nang mag-isa mo!" Nagpupuyos na tumayo muna ako mula sa harapan ng hapag-kainan bago ako humangos palabas ng bahay upang sumanghap ng mas sariwang hangin.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Sa sobrang inis ko, hindi ko na namalayan na napapalayo na pala ako sa paglalakad mula sa bahay ko. Madilim na kaya nang makabalik ang isipan ko sa realidad ay nasa gitna na pala ako ng gubat.  Nakaramdam ako ng kaba at pangingilabot dahil nakaligtaan ko rin palang dalhin ang aking balabal. Napakalamig na ng simoy ng hangin kaya wala akong nagawa kundi ang yakapin ang aking sarili.

"Nasa'n na ba ako?" lumilinga-linga ako upang hanapin ang daan pabalik. "Ang dilim naman dito, nakuu, paano ba ako nakakabalik nito."

Matapos kong bahagyang mahilo sa kalilingon, kinailangan ko nang magdesisyon kung aling direksyon ang aking babagtasin. Inihahakbang ko na ang aking mga paa nang muli ko na namang naramdaman na tila may mga matang nakamasid sa akin. Muli ko na namang narinig ang mga tunog ng tuyong dahon na naapakan, at lagitik ng mga sangang nababakli.  May sumusunod at nagmamatyag sa akin. Sigurado ako dahil sa paggalaw ng mga dahon sa magkabilang gilid ng dinaraanan ko.

"Sino 'yan?!" Nang hindi ko na matiis. "Magpakita kayo!" Bagaman nag-uumapaw ang takot sa dibdib ko.

Paano kung mababangis na hayup ang mga ito?  Wala man lang ako ni maliit na tangkay para ipagtanggol ang sarili ko. Paano kung higit pa ro'n? Paano kung mga Maligno o mga Aswang. Sisikatan na lang ba ako ng panibagong araw bukas bilang isang malamig na bangkay?

"Nakakainis ka talaga ate Marietta."  Bulong ko. "Kasalanan mo 'to eh. Ano nga ba kasi ang nakita ng kuya ko sa 'yo, eh napakasungit mo naman at matapobre. Masyadong mataas ang tingin mo sa iyong sarili. Mayabang...napakayabang mo nakakainiiiis!" May halong panggigil ang huli kong kataga.

"Mayabang, sinong mayabang?" tinig ito ng isang lalaki na nagmumula sa mismong likuran ako.

"Susmaria!" Napatalon ako sa sobrang gulat. Agad ko namang hinarap ito bago ako nagmadaling umatras ng ilang hakbang. "L-Luis?" nang maaninag ko na ang mukha ng lalaking nagsalita. "A-anong ginagawa mo rito sa gitna ng gubat? M-madilim na ah!"

Madilim ma'y naging daan naman ang malamlam na liwanag ng buwan upang maaninag ko ang kanyang nakangising mukha, "hindi ba't ikaw ang dapat kong tanungin niyan?"  humakbang ito palapit sa akin, "ano ba ang ginagawa ng isang magandang binibini sa lugar na tulad nito? Disoras na ng gabi...hindi kaya..."

"Hindi kaya nama'y ano?"

"Dito mo iniiwanan ang kalahati ng iyong katawan sa pagsapit ng hatinggabi?" lumaki bilang isang bungisngis ang pagngisi nito.

Pinamaywangan ko naman agad ito at, "ah gano'n? Sinusundan mo ba ako para makakuha ka ng ebidensya sa mga ibinibintang mo sa akin?"

Nagkibit-balikat ito. "Siguro."

Nag-ipon muna ako ng buwelo bago ko pinagsasapok ito at binulyawan, "walanghiya ka!" Sinalag naman nito ang bawat paghampas ko sa kanya.

"Aray ko! O bakit?" humahagikhik pa ang demonyo, "wag kang mag-aalala, hindi ko ipagsasabi ang sikreto mo...aray,aray! Oy binibining Manananggal, nakakasakit ka na ah!"

Itinigil ko ang pagsapak ko, "talagang masasaktan ka kung hindi mo ako lulubayan! Buwiset!" Bulyaw ko malapit sa mukha niya.

"Ah hindi." Pinalitaw nito ang ilalim na labi niya, "hindi ako titigil hangga't hindi ko nakukuha ang kalahati ng katawan mo!"

Lalo akong nanggigil, "at anong balak mo ha? Ano ka ba? Sino ka ba talaga? At ano ba talaga ang pakay mo rito sa aming nayon?!"

"Ako..." namayawang ito sabay taas ng kanyang noo na tila isang bayani. "Ako si Luis Villanueva! Isang dalubhasang arkeologo, mangangaso at kilalang kilabot ng kahit anong mga misteryosong bagay na nakakikilabot!"

Ano raw?

"Kung ikaw ang daan para makakuha ako ng ebidensya na mayro'n ngang Manananggal sa mundo..." pagpapatuloy nito. "Susundan kita kahit saan ka magtungo. At hindi ako titigil hangga't hindi kita nakukuha!"

"A gano'n?" sagot ko, "o heto." Kinuha ko ang kanang kamay niya at ipinatong ang isang limampisong barya sa palad niya.

"Ano 'to?"

"Bumili ka ng makakausap mo, buwiset! Hmp! Diyan ka na nga!"

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon