39. PAGTATAPAT NG TAONG NAHIHIRAPAN

346 5 0
                                    

PAGTATAPAT NG TAONG NAHIHIRAPAN

Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat
At hindi ko babayaang ang dila ko ay madulas
Upang hindi magkasala, ako'y hindi mangungusap
Samantalang kalapit ko yaong taong mga sukab.

Ako'y sadyang nananahimik, wala akong sinasabi
Hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti
Ngunit ngayon, ngayo'y lalong naghihirap ang sarili.

Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko
Habang aking iniisip, lalo akong nalilito
Nang di ako makatiis, sabi ko ay ganito
“Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
Kung gaano katagal pa kaya ako mabubuhay?
Ang wakas ng aking buhay sabihin mo kung kailan!”.

Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay
Sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan
Ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan
Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang
At maging ang gawa nya ay wala nang kasaysayan
Hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!

Kung ganoon, Amang Yahweh, nasaan ba ang pag-asa?
Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita
Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin ang aking sala
Ang hangal ay h'wag bayaan na sa akin ay magtawa

Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
Yamang pawang pagdurusa yaong dulot mo sa akin.
Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil,
Sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.

Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit
Parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig
Tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis!

Pakinghan mo ako, Yahweh dinggin ang aking hibik,
Sa daing ko't panambitan huwag ka namang manahimik.

Ako'y iyong panauhin na di naman magtatagal,
At tulad ng ninuno ko, sa daig ay lilisan.
Sa ganitong kalagayan, mabutu pa'y iwab mo na,
Upang ako'y makalasap kahit bahagyang ligaya
Bago ako mamayapa't mapawi sa ala-ala.

SPOKEN WORD POETRY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon