136. PAPA, MALIGAYANG KAARAWAN

177 2 0
                                    

Kung meron lang sana akong kapangyarihan
Ibabalik ko ang nakaraan
Nagkaraang anim na taon na ang nagdaan
Sapagkat ngayon ay wala ka'na dito sa kasalukuyan.

Ibabalik ko ang bawat mga ala-ala
Iisa-isahin ang panahon na puno pa ng saya
Masasaya na puno ng pag-ngiti at pagtawa
Na mistulang napalitan ng paghagulgol sa biglaan mong pagkawala.

Gustung-gusto kong bumalik sa nakaraan
Kung saan ang aking oras ay sayo lamang ilalaan
Gagawin ko ang lahat ng makakaya para ika'y alagaan
Na noo'y hindi ko man'lang nagawa na labis kong pinagsisisihan.

Gusto kong bumalik sa nakaraan para makabawi ako
Para makabawi ako sa lahat ng mga pagkukulang ko sayo
Para makabawi ako sa mga ginagawa mong pagsasakripisyo
Gusto kong ibalik ang nakaraan baka sakaling gumaling ka sa sakit mo.

Pero para saan pa ang pagmamakaawa ko?
Para saan pa ang mga paghingi ng mga tawad ko sayo?
Para saan pa ang pagwawala ko kung hindi na mababago?
Hindi na mababago dahil bigla ka nalang sumuko.

Gusto kong bumalik sa nakaraan pero wala akong magawa
Hanggang ngayon, sakit at pighati parin ang dala-dala
Hanggang ngayon, hindi parin talaga ako makapaniwala
Na sa hinaharap ay talagang wala ka'na.

Anim na taon na yung nagdaan
Pero sariwa pa ang lahat sa aking isipan
Ang araw at oras ay akin pa'ring natatandaan
Papa, maligayang kaarawan.

SPOKEN WORD POETRY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon